“Handa… tira!”

GARALGAL ng makina ng papahintong trak ng militar sa isang

Komunidad ng mga Muslim. Nasundan ng mga lagabag ng nagbabaang mga sundalo.

 Ito ang nasalubong ng nagtatanong na mga mata ng limang batang lalaki na naglalaro sa kalsada. Kinikilala nila’t inaalam ang pakay ng mga nagsidating.

Unti-unting pumanhik sa kanilang isipan ang pangamba nung iamba papunta sa kanila ang mga sukbit na mga kawayan ng mga miyembro ng militar.

Habang nalilito sa nakikita, lumutang sa kanilang pagbasa ang “name patch” ng Commanding Officer (CO) na ang pangalan ay “BALA”(nagkataon?).

Binalot ng lagim ang kanilang mga mukha nung simulang tumuro ito sa direksyon nila. Umalingawngaw na lamang ang isang mahabang hiyaw ng  CO.             

“Handa!!!!!”

Agad na hinilera silang lima. Nanlaki ang kanilang mga mata at halos matulig ang tenga sa lagatok ng parang mga baril na ikinasa.

Mula sa hudyat ng nangangalit na ugat sa leeg ng opisyal, isang utos ang  narinig nila,      

“Tira!”

Nagsilundagan ang mga bata ng sabay-sabay. Sumulpot ang isang bumubulusok na ‘football’ na papunta sa kanila at tumama sa dibdib ng isa sa mga bata, ang bola . Pagbalik ng tapak nila sa lupa, hindi matutumbasang ngiti ang gumuhit sa kanilang mga mukha.

Isang “high five” ang ibinigay ng bata sa sundalong nakapanood matapos niyang sipain ang bola.

Masayang pagtuturo ng ating mga sundalo sa mga bata ng larong “football” ang sumunod nang mga tagpo.

“Karapatan ng bawat bata na ipakita ang kanyang kakayahan..” ito ang  pangunahing mensahe ng bagong patalastas ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.      

At kaugnay nito, pinangunahan ng PAGCOR ang kanilang pagpapakita ng suporta para sa larong “football”, sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga “football clinics” sa buong bansa.

Isang taon nang nakakalipas mula nang pasimulan nila nung Pebrero 2012 ang “Kasibulan Grassroots Football Program”.

Higit sa 60,000 ang bilang ng mga kabataan na nakilahok at nagpakita ng interes sa nasabing sport.

Layunin ng “Kasibulan” grassroots football program na tulungang mahasa ang mga kabataang edad anim hanggang 12 sa larangan ng paglalaro ng football. P20 Milyon ang pondo na inilaan ng ahensya para sa programa.

Sinabi ni PAGCOR Chairman and CEO Cristino Naguiat, Jr.  na malaki ang  ambag ng ating mga kababayang nakalinya sa paglalaro ng football para makilala ng husto ang larong ito. Partikular niyang binanggit ang ating mga “football coaches” mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), dahil sa kanilang pagtulong na maituro ang laro sa mga kabataan mula sa mga liblib at malalayong bahagi ng bansa.

Sinabi pa ni Chairman Naguiat, hindi na sila nasurpresa na agad nagkaroon ng malaking impluwensya ang Kasibulan Program sa buhay ng mga kabataang kalahok. Ikinalulugod nila na naging mabunga ang pagtutulungang ginawa ng PAGCOR, ng Philippine Football Federation (PFF) at ang football coaches mula sa iba’t-ibang lugar ng Pilipinas, para matagumpay na maisulong ang programa.

“Nakakatuwang makita ang sigasig ng mga kabataang ito sa kanilang pagpupursigi na maging susunod na henerasyon ng Philippine Azkals,” ani Chairman Naguiat.

Kamakailan ay inorganisa ng PFF ang unang Regional Festival of Football (FOF) para sa taong 2013, sa pamamagitan ng tulong na pondo ng PAGCOR.

Ang  ganitong klase ng pagdiriwang ay nagsisilbing “training pool” para sa mga potensyal na talento,  kung saan magmumula ang inaasahang magiging susunod na mga pambansang manlalaro ng Pilipinas.

Gagaganapin ang FOF sa Davao, Camarines Sur, Negros Occidental, Tarlac, North Cotabato, Dipolog at Cagayan de Oro sa unang apat na buwan ng taon.

Bukod sa mga pagsasala, ebalwasyon ng kakayahan at pagsasanay, ang mga kalahok ay magpapaligsahan ng husay upang ipakita ang kanilang mga natutunan.

Ang mga mapipiling pinakamahuhusay na mga kalahok ang  isasali sa bubuuing “national team” upang kumatawan sa ating bansa para sa Asian Football Confederation (AFC) sa taong 2014.

Dalawampu’t-isang(21) mga talento ang  pipiliin upang irepresenta ang  Pilipinas ngayong taon na gaganapin sa Nay Pyi Taw, Myanmar. Makakatapat nila ang iba pang mga manlalaro sa mga bansang Myanmar, Brunei, Malaysia, Vietnam and Timor-Leste. 

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maganda ang pagkagawa ng ‘Pagcor Commecial’ at binabati ko ang departamento ni AVP-for Corporate and Media Affairs na si Ms Maricar Bautista. Kanila nanggaling ang konsepeto. Isang ‘Institutional Advertisement’ na dapat ipagmalaki.

Dito ipinakita na maaring magsama ang mga sundalo at mga Muslim na pinag-isa dahil sa larong football sa halip na nagbabarilan sila at nag-aaway.

Nagsilbing daan ang programa upang makadaopang-palad ang  mga kabataang may angking galing sa palakasan na partikular na nanggaling sa mga mahihirap na pook ng bansa.

Isa ang 12 anyos na si Julius Ritchie Balucan sa nagpapasalamat sa tulong na nagawa ng programa sa kanya at maging sa kanyang pamilya. Bukod sa kanyang natutunang pagpapahalaga sa kasipagan at disiplina, nagamit niya ang kanyang kakayanan upang magkamit ng “athletic scholarship” mula sa De La Salle Dipolog.

Napakalaki ng potensyal ng mga kabataang Pilipino para sa larong football na maituturing na bago pa lamang nakikilala at kinahihiligan ng mga Pilipino. Isang oportunidad ang ganitong mga klase ng proyekto ng ahensya upang makatulong na mabago at maiangat ang antas ng pagkatao at buhay ng mga kabataang kasali rito, kaalinsabay ang  pagkahasa nila bilang mga susunod na mga manlalaro na magpapakilala ng tunay na galing nating mga Pilipino.(KINALAP NI PAULINE VENTURA)

Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392 o 0906-7578527 . Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Sshaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments