‘Hot Meat’: An underground industry

LANTARAN at garapalan ang bentahan ng mga double dead meat o “botcha” sa Metro Manila! Tone-toneladang karne na inaangkat sa mga kalapit na probinsya partikular sa Bulacan, na ibinibiyahe ng mga closed container van. Ito ang katotohanan na matagal nang namamayagpag at hindi masawatang industriya dahil may demand at supply sa merkado.

Taon 2005, unang inimbestigahan ng BITAG ang umiiral na underground industry na ito! Naidokumento ng aming grupo ang walang pakundangang paghahakot ng mga carcass o patay na mga baboy mula mismo sa mga malalaking pig farm! Hindi maikakailang raket din ito ng ilan sa mga putok sa buhong negosyante! Ibinibenta ang mga patay na baboy sa murang halaga na ididistribyut sa mga palengke sa Metro Manila!

Karaniwang makikita ang mga “botcha” sa mga night market. Mga pamilihan na dinadagsa ng mga mamimili kesehodang pinapapak na ito ng mga langaw! Ang siste, may establisado ng “coded,” tanguan at senyasan ang mga naglalako at mga mamimili!

Sa surveillance video ng BITAG, nabatid na tinatangkilik nang marami ang mga nagbebenta ng mga lutong ulam, processed meat at barbeque ang “botcha” dahil mas mura ito. Sila ‘yung mga negosyanteng pumupuwesto sa mga bangketa para mapansin ng bystanders na naaabutan ng gutom sa daan.

Nitong Mayo 15, pinagtibay na ni President Aquino ang batas laban sa double dead na karne. Nilagdaan ang Republic Act No. 10536 na nag-aamyenda sa Meat Inspection Code of 2004 para protektahan ang publiko sa mga meat-borne infections at mga kauring sakit. Sinumang mahuhuling sangkot sa underground industry na ito ay may karampatang parusa.

 All Points Bulletin ng BITAG sa publiko, maging paladuda sa binibiling karne maging ito man ay baboy, manok o mga karneng kauri nito. ‘Wag papagantso at maaakit sa mga bagsak-presyong halaga ng mga karne upang maiwasan ang mga sakit na dala ng double dead meat!

* * *

Para sa inyong sumbong at tips mag-text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing araw ng Miyerkules, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

 

Show comments