TINGNAN ang kahayupan nitong si Manuel Amalilio. Hawak na ng NBI at DOF ang isang Lamborghini Gallardo 560 Coupe na pag-aari umano ni Amalilio. Si Amalilio ang utak sa likod ng pinaka-malaking panloloko sa Pilipinas. Inabandona ang sasakyan sa isang condominium sa Ortigas. Paano nga naman maitatago ang ganitong klaseng sasakyan, na mga ubod na mayayaman lang – na sigurado ako ang iba kasing dumi ni Amalilio – ang nakakabili? Isipin mo na lang ang laki ng perang naibulsa para makabili ng ganitong klaseng sasakyan, na higit P10-milyon daw ang halaga! Sinong nagpasok ng pera sa kumpanya niya, o kung ano man ang tawag sa kanyang negosyo, ang hindi manggagalaiti sa rebelasyong ito? Pinaghirapan mo ang iyong pera, tapos ibibili lamang ng ganitong klaseng sasakyan?
At baka hindi pa lahat ng pag-aari ng Amalilio ang nadidiskubre ng mga awtoridad. Sigurado ako may mga itinago pa riyan ng kanyang mga naging kaibigan, o kasangkot sa panloloko. Mga iba pang sasakyan, lupa, bahay, condominiun, alahas at pera na baka inangkin na lamang ng mga pinagkatiwalaan niya dahil kasalukuyang nakakulong na sa Malaysia. Ibabalik pa ba sa kanya ang mga itinago kapag nakalaya na sa dalawang taon? Pero ganun pa man, kailangang makita ang lahat ng pag-aari ni Amalilio, at subastahin para maibalik kahit papaano ang mga pera ng mga naloko. Alamin mula sa mga nagbebenta ng mga mamahaling sasakyan kung may iba pang nabili gamit ang pera ng mga naloko niya. Alam kong hindi na maibabalik ang kanilang pera ng buo, pero kung mahahanap lang ang mga pag-aari na iyan, kahit papaano ay may maibabalik, di ba?
Dalawang taon pang maghihintay ang pamahalaan para mahabol si Amalilio at piliting maibalik sa Pilipinas para humarap naman sa hustisya natin. Dapat maintindihan ng Malaysia ito. Pero tiyak na mahihirapan ang Pilipinas dahil may kamag-anak umano si Amalilio sa gobyerno ng Malaysia. At tiyak hindi rin naman deretso ang kamag-anak na iyon! Gagawin lahat para hindi siya makuha ng gobyerno at humarap sa hustisya, at sa kanyang mga niloko. Sigurado maraming naitagong pera na iyan bago tumakbo, para makawala na nga at mabuhay ng masarap. Ganyan ang estilo ng lahat ng manloloko. Tatakas para mabuhay na ng masarap sa ibang bansa kung saan sila hindi mahahabol. Kung may nagtatago pa riyan ng mga pag-aaring nakaw ni Amalilio, makonsensya sana kayo, o kung hindi naman, mahuli na sana kayo!