Panahon ng Kastila: halalan sa pueblo (1)
NOONG huling kalahating-siglo ng paghahari ng Kastila, ibinibigay na sa mga indio ang pamumuno sa mga pueblo (bayan). Gobernadorcillo (mayor) ang pangunahing posisyong hinahalal. Pinaghalong ehekutibo at hudikatura ang mga tungkulin niya. Kabilang dito ang pangongolekta ng buwis; pagpapagawa ng kalsada, tulay, at paaralan; paglilisensiya; pagsasaayos ng kulungan at puerto; pangangalap ng ebidensiya ng krimen; paghatol sa maliliit na kaso; at patulong sa cura na panatilihin ang mga parokyano sa daang matuwid. Umaasisti sa gobenadorcillo ang teniente mayor (bise), juez de policia (hepe ng pulis), juez de sementeras (tagapamahala ng pagtatanim), at juez de ganados (tagapamahala ng paghahayupan). Nananagot sila sa alcalde mayor (gobernador) ng provincia. (Ilan sa mga nangalap ng impormasyon sina historians Onofre D. Corpuz, Eliodoro G. Robles, at Emma Blair & James A. Robertson.)
Dapat sa opisyales na matapat, mahusay, at masigla sa pagsilbi sa Espania at Iglesia. Hindi maari mapuwesto ang may-utang na buwis, may kasong kriminal o sibil, at walang malinaw na pinagkikitaan.
Dalawang taon ang termino nila. Hinahalal sila ng principalia, ang mga pangunahing maginoo ng pueblo. Binubuo ito ng nakaupong gobernadorcillo,cabezas (puno) de barangay, capitanes pasados (dating opisyales), at cabezas reformados (datihang nagsilbi nang mahigit sampung taon). Hindi rin maari bumoto ang may-utang na buwis at may hinaharap na kaso.
Sa araw ng halalan, dumarating ang alcalde mayor at secretario sa municipio, kung nasaan ang cura at principalia. Babasahin ang batas at kalatas ng botohan. Kasunod ang sorteo at terna, ang pagpili ng mismong boboto, at aktuwal na botohan. (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest