SA susunod na buwan, mag-uumpisa na ang tag-ulan. Dadalaw na ang mga bagyo. Magkakaroon ng pagbaha. At tiyak, ang mga barungbarong sa gilid ng ilog, estero at kanal ang magpapabara. Aapaw na naman sa baha ang Metro Manila.
Ayon sa report, nasa 100,000 ang mga iskuwater na nakatira sa pampang ng ilog at mga estero bukod pa ang mga nasa ilalim ng tulay. Ang kanilang mga bahay ay nakatirik na mismo sa ilog at ang iba ay nakabitin sa tubig. Ang ilan ay nasa ilalim ng tulay na ilang dangkal na lang at aabutin ng tubig. Ang mga bahay nila ang nagiging hadlang para makadaloy nang maayos ang tubig. Bukod sa nakaharang ang kanilang mga bahay sa daanan ng tubig, nagdagdag sa problema ang pagtatapon nila ng basura. Lahat nang kanilang basura ay inihuhulog na lang nila sa ilalim ng kanilang bahay. Deretso sa ilog o estero ang plastic na supot, cup ng noodles, styrofoam at maski ang mga kaha ng sigarilyo at iba pang lalagyang plastic. Lahat nang basura nila dadalhin ng ilog sa Manila Bay. Kapag masama ang panahon, ibabalik ng alon ang basurang itinapon ng mga taga-iskuwater. Parusa sa pamahalaan sapagkat gagastos sa paglilinis sa basurang sinuka ng dagat.
Noong nakaraang taon, sinabi ng pamahalaang Aquino na ire-relocate ang mga iskuwater na nasa gilid ng ilog at estero. Inihahanda na umano ng pamahalaan ang pagdadalhang lugar sa mga ito. Ang pag-aalis sa mga iskuwater ay umigting makaraang salantain ng grabeng baha ang Metro Manila at mga karatig probinsiya.
Ano na ang nangyari sa plano ng gobyerno? Bakit marami pa ring squatters sa mga daanan ng tubig? Tila dumami pa ngayon? Dahil kaya kailangan ang boto ng mga squatters kaya hindi inaalis? Kailangan pa sila kaya tigil muna ang pagpapaalis?
Ngayon ang tamang panahon para sila ilikas at hindi kung kailan mayroon nang baha.