KUNG minsan sa tuwing gagawa ng hakbang ang PNP upang mapigilan na mapariwara at mapahamak ang mga kabataan dahil sa paglaboy nila sa dis-oras ng gabi, sila pa ang nasisisi ng mga iresponsableng magulang. Ito ang aking nasaksihan nang sumama ako sa isinagawang operasyon ni Pasay City Police chief Sr. Supt. Rodolfo Llorca kamakalawa ng gabi sa iba’t ibang barangay sa kapaligiran ng Pasay City. Kasi nga sa halip na suportahan ng mga magulang ang ginagawang operasyon ng PNP at barangay official na malimitahan ang paggagala ng kanilang mga anak sa lansangan ay nanggagalaiti pa sa galit ang mga ito na sumusugod sa presinto. Dahil ayon sa kanila mas maraming kriminal ang dapat na habulin at hulihin ang pulis sa lansangan kaysa sa pagdadamputin ang kanilang kabataan na gumagala sa dis-oras ng gabi.
Tama naman sila, subalit hindi nila naiisip na maraming kabataan sa ngayon ang nasasangkot sa patayan, nakawan at prostitution. Mukhang nagkakamali yata sila ng sapantaha at pambubuska sa mga pulis dahil ang patuloy na pagpapabaya nila sa kanilang mga anak ay nag-uugat sa kapahamakan. Sa murang edad, madaling mahikayat ang kabataan sa pagdodroga, pag-iinom, pagiging basagulero at ang pinaka ay ang prostitution kasi nga ito ang mga target ng mga sindikato dahil madaling mahikayat ang mga ito. Tama ang kasabihan na ang magandang pag-uugali ng kabataan ay nagmumula sa loob mismo ng tahanan. Ngunit kung mismong mga magulang ang nagiging hadlang sa adhikain na mapatino at mailagay sa mabuting pamumuhay ang kanilang mga anak, ano nga ba ang magagawa ng mga kapulisan na tumutupad lamang sa kanilang tungkulin.
Ang pag-curfew sa mga kabataan sa Metro ay ipinag-utos ni National CaÂpital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Leo-nardo Espina. Ito ay upang mapigilan ang paglaganap ng mga nawawalang bata. Kasi nga halos lahat na ngayon ng mga presinto at tanggapan ng kapulisan sa Metro Manila ay nagsisilbing paskilan ng mga litrato ng mga nawawalang bata. At upang mapigilan ito, agad na pinulong ni Espina ang mga pulis at opisyales ng Department of Social Welfare and Development na magtulu-ngan para mapigilan ang patuloy na paglobo ng mga nawawalang kabataan. At upang maging matagum-pay ang kautusang ito, ipinaliwanag ni Espina na sa unang pagkahuli sa mga kabataan paglampas ng 10:00 ng gabi ay pangangaralan ang mga ito at ibibigay sa mga magulang, ngunit sa pangalawa ay ilalagak na ang mga ito sa DSWD at sa ikatlong pagkakataon, mananagot na ang mga magulang o kakasuhan na pati mga magulang. Kaya ang payo ko mga suki, pagsapit ng 10:00 ng gabi hanapin na ninyo at ipunin ang mga anak sa tahanan upang maiwasan ang pagkakakulong. Para rin naman sa inyo ang ginagawa ng PNP dahil sa ngayon, karamihan sa mga nangyayaring rambulan, nakawan at prostitution ay kinasasangkutan ng mga kabataan. Kaya uulitin ko mga suki, makipagtulungan tayo sa mga pulis upang maging matiwasay ang ating pamumuhay.