6-S na sakit sa tag-init

MAYROONG mga sakit na madalas nakikita kapag mainit ang panahon. Nagbabala na ang DOH laban sa 6 na sakit na nag-uumpisa sa “S”. Pero sa katunayan, nandito naman itong mga sakit sa buong taon.

1. Sore eyes – Mabilis makahawa ang sore eyes, isang sakit mula sa bacteria o virus. Ang sintomas ng may sore eyes ay mapulang mata, makati at parang may buhangin ang mata. Maghugas palagi ng kamay. Huwag munang pumasok sa trabaho o eskwelahan ng isang linggo para hindi makahawa ng iba. Kumunsulta sa doktor para mabigyan ng antibiotic eye drops na siyang lunas sa sore eyes.

2. Sunburn at heat stroke – Para makaiwas sa sunburn at heat stroke, umiwas sa sikat ng araw mula 10 ng umaga hanggang 4 ng hapon. Manatili sa loob ng bahay o sa ilalim ng puno. Maglagay ng sunblock na may SPF 15 o 30 para protektado ang iyong balat. Para makaiwas sa heat stroke, uminom din ng 8 hanggang 12 basong tubig bawat araw. Magpalamig sa loob ng bahay o mall para hindi mahirapan ang iyong katawan.

3. Sipon at ubo – Ang panlaban sa sipon at ubo ay ang malusog na katawan. Kumain ng masustansya at matulog ng sapat. Maghugas din palagi ng kamay. Sa mga edad 50 pataas, puwede kayong magpa-bakuna ng flu vaccine (para iwas trangkaso). Sa mga edad 60 pataas, puwedeng magpa-bakuna ng pneumonia vaccine (para sa pulmonya). Kumonsulta sa inyong doktor.

4. Suka at tae – Kapag mainit ang panahon, madaling mapanis ang mga pagkain. Ingatan na ligtas ang inyong kinakain. Kung nagbabaon kayo, piliin ang tuyong pagkain, tulad ng pritong isda o manok. Huwag nang magbaon ng pagkaing may sarsa, keso, mayonnaise at gata, dahil madali itong mapanis. Pagkaraan ng 2 o 3 oras, itago na ang pagkain sa loob ng refrigerator. Mag-ingat din sa mga pagkaing nabibili sa kalye dahil hindi natin masisiguro ang kalinisan nito.

5. Sakit sa balat – May mga pangkaraniwang sakit sa balat tulad ng pigsa at alipunga. Ang pigsa ay isang bacterial infection mula sa maruming paligid.

Uso ito sa mga bilangguan at squatter areas kung saan tabi-tabi ang mga nakatira. Puwede rin makakuha ng alipunga sa paliligo sa ma­ruming tubig at pampublikong paliguan.

6. Sakmal ng aso – Ang kagat ng aso at pusa ay puwede magdulot ng rabies. Para maiwasan ito, sigura­duhing napabakunahan ang aso bawat taon. Kung nakagat ka ng aso, magtungo agad sa ospital para mabigyan ka ng bakuna laban sa rabies.

Show comments