MAGING bagong college graduate o datihang nagtatrabaho, tiyak na kapag nag-apply sa trabaho ay haharap ka sa job interview. Paraan kasi ito ng kumpanya para salain ang mga aplikante o tiyakin ang pasya. Nilikom ng mga eksperto ang 10 kalimitang itinatanong sa interview, at tips para sagutin ito (isinalin mula sa LibGig website):
(1) Paano ka i-describe ng mga kasamahan mo? Maghanda ng maikling sagot na hindi halatang ni-rehearse -- maging totoo, pero huwag sobrang personal, at iakma sa inaaplayang trabaho.
(2) Ikuwento ang isang pagkabigo, at paano ito hinarap. Hindi puwede iwasan ito. Kabulaanan sabihin, “Hindi pa ako sumasablay.†Ikuwento ang isa o pinagsama-samang ehemplo, at ang ginawa mong solusyon.
(3) Paano kung salungat ka sa iyong manager? Mahalagang tanong ito. Huwag manira ng datihang boss. Ikuwento ang tunay na pangyayari at mabuting kinahi-natnan. Ipakita ang kagalingan bilang team player.
(4) Ano ang dream job mo? Maging totoo at malikhain; huwag basta idikit sa inaaplayang posisyon. Ipaalam ang lihim na inaasam.
(5) Bakit nais mo magtrabaho rito? Dito ipakita na pinaghandaan mo ang panayam kaya sinaliksik mo ang kumpanya. Ipadamang ganado ka.
6) Bakit ka namin tatanggapin? Ilahad ang iyong mga katangian: sipag, tiyaga, malikhain o mapagsuring isip, motibasyon, atbp.
(7) Ano’ng hangad mong sahod? Magbigay ng range imbis eksaktong halaga, lalo na kung in-advertise nila ito. Aminin ang dating sahod.
(8) Ano’ng pinaka-malaki mong nagawa? Iakma ito sa inaaplayan mo.
(9) Ano’ng trabaho ka nasiyahan? Sagutin nang interesante at akma.
(10) Meron ka’ng tanong sa akin? Itanong mo kung meron transition o orientation bago magsimula sa trabaho, o kelan ka nila tatawagan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com