Mahal na Araw
MULI tayong pumapasok sa pinaka-banal na linggo nating mga Kristiyano, Semana Santa simula ngayong linggo ng palaspas. Sa mga Judio ang mga palaspas ay simbolo ng maligayang pagtanggap sa isang propeta na sumasampalataya sa Kanyang banal na aral. Ito rin ang pagdiriwang sa maligaya at matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem ang sentro ng bayang Israel.
Nagpuri at nagsaya ang lahat ng mga tagasunod ni Hesus, subalit sa kabila ng kasayahan ay pinaghandaan naman ng mga kaaway kung paano Siya parurusahan. Ito ang araw ng ating pagpapakasakit, pagsisisi at pagbabalik-loob kay Hesus. Dito natin binubuo ang Triduum (tatlong araw ng banal na paghahanda para sa Linggo ng Muling Pagkabuhay): Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
Ang pagpapakasakit ni Hesus ay katuparan ang sinabi ni Propeta Isaias: “Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinansin, ang Panginoon ang tumutulong sa akin, handa akong magtiisâ€; Salmo: Diyos ko, Diyos ko! Bakit ako’y iyong pinabayaan; Filipos: “Hindi Niya pinilit na manatiling kapantay ng Diyos, hinubad ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, namuhay ng isang alipin. Naging masunurin hanggang kamatayan, hanggang kamatayan sa Krusâ€.
Ngayong Mahal na Araw ay katumbas ng bakasyon sa mga opisina at mga gawaing pangkalakalan. Mag-uuwian na naman sa mga probinsiya at magpupuntahan sa mga bahay bakasyunan. Sana naman bilang mga Kristiyano ay samahan din natin ng mga pagbabalikloob sa Panginoon. Pagnilayan natin na mismong si Hesus, anak ng Diyos ang nagpakasakit para sa atin hanggang sa kamatayan sa Krus.
Ngayon ang kabuuan ng kuwaresma, ang 40 araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Sa ating pagpapabasbas ng mga palaspas ay manalangin tayo: O Diyos na makapangyarihan at aming Ama sa langit, Iyo pong pagpalain at pabanalin ang mga palaspas na ito upang masaya naming ipagbunyi ang Iyong Anak na si Hesus, na Mesiyas at aming Hari ng sangkalupaan. Patawarin mo kami sa aming mga nagawang kasalanan. Amen.
Is50:4-7; Salmo22; Fil2:6-11 at Lk19:28-40
- Latest