DINEKLARANG walang pasok ang buong UP Manila noong Lunes, bilang pakikiramay kay Kristel Tejada, ang first year Behavioral Science student, na nagpakamatay dahil wala umanong maibayad na matrikula para sa darating na semester. Hindi na siya pinayagang mag-enroll ng UP Manila dahil may balanse pa raw sa inutang noong nakaraang semester. Napilitang mag-leave of absence, at nang makarating sa kanyang tahanan, uminom ng silver cleaner na ikinamatay nito.
Dahil sa nangyari, inulan ng batikos ang buong UP dahil sa mga patakaran sa pagbabayad ng matrikula. Hinigpitan umano ng unibersidad ang mga patakaran na may kaugnayan sa mga utang at balanse ng mga estudyante. Sa madaling salita, mga mahihirap na mag-aaral, na matatalino naman kaya nga nakapasok ng UP, ang tinutukoy ng patakaran. Wala namang problema sa pera ang mga mayayamang nakapasok din ng UP, kahit mas mataas ang kanilang binabayarang matrikula. Kaya walang saysay sa kanila ang patakaran. Masabi ko na rin na hindi yata bagay ang mga Mercedes o BMW na pag-aari ng ibang estudyante, sa mga parking ng UP!
Planong takpan ng itim ang lahat ng rebultong “Oblation†(simbolo ng UP), bilang protesta sa mga patakaran na nagpapahirap pa raw sa mga mahihirap na. Nagpahayag naman ang presidente ng UP, na naglabas na raw sila ng kautusan na hindi dapat pinagbabawalan ang mga karapat-dapat na mag-aaral na makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral, kahit mahirap o hirap sila sa pagbayad ng matrikula. Eh aanhin pa ang damo kapag patay na ang kabayo, ika nga. Kung totoong mapapatupad ang bagong patakarang ito sa lahat ng kolehiyo ng UP, ibang mga mag-aaral na lang ang makikinabang dito. Hindi si Kristel Tejada. Sayang naman. Pero lagi naman huli ang mga solusyon sa Pilipinas! Kailangan may mangyari munang aksidente, trahedya, kalamidad, bago maisip ang mga solusyon o reporma! Mabagal rin ang pagpapatupad ng reporma o solusyon, na karagdagang problema pa!
Ang sa akin lang, pasok na si Kristel Tejada sa UP. Naipasa ang lahat ng kinakailangan para maging “iskolar ng bayanâ€. Hindi madali gawin iyon. Dapat lang na tulungan siya, at lahat nang mahihirap na mag-aaral sa UP, na makapagtapos. Alam naman ng UP kung sino ang mga mahihirap nilang mag-aaral, kaya sila ang dapat inaalalayan, lalo na pagdating sa mga bagay na pinansiyal. Pasok na sila. Iskolar ng bayan na sila. Dapat lang alagaan sila, hanggang sa makapagtapos! Kundi, bakit pa sila tinanggap sa UP, kung alam na rin sa simula na mahihirap lang sila?