HABEMUS Papam! May bago nang Santo Papa ang higit isang bilyong Katoliko sa mundo! At ang kanyang piniling pangalan ay Pope Francis. Si Cardinal Jorge Bergoglio, isang kardinal mula Argentina, ang kauna-unahang Santo Papa na nagmula ng Latin Amerika, at una ring Santo Papa na hindi taga-Europe! Maraming nagsaya at naluha mula sa kanyang bansa nang malaman na ang kanilang kardinal ang bagong Santo Papa. Maraming nagtungo ng simbahan para magdasal at magpasalamat. Siguro ganun din ang naganap sa atin, kung sakaling si Cardinal Luis Tagle ang napili! Malamang piyesta sa buong bansa, kung nagkataon.
Isang Heswita si Bergoglio, katulad ng mga pari na nagpapatakbo ng Ateneo. At edukasyon rin ang isa sa mga pangunahing layunin ni Bergoglio. Galing rin sa hirap si Bergoglio, at nag-aral para maging isang checlical technician. Nang magtapos, sumali na siya sa mga Heswita para maging pari. Tuloy-tuloy ang kanyang pag-aaral, kung saan umabot siya sa ibang bansa katulad ng Chile at Germany. May mga nagsasabi na dahil sa kanyang masinsinang pag-aaral, nakatulong ito para siya ang maangat bilang Santo Papa. May nagsabi pa na pangalawa siya sa botohan nang maging Santo Papa si Joseph Ratzinger, o si Pope Benedict XVI.
Nahaharap sa maraming problema at pagsubok ang bagong Santo Papa. Noong panahon niya bilang pinuno ng mga Heswita sa Argentina kilala si Bergoglio sa kanyang katayuan na iwasang maging pulitika ang mga Heswita. Marami ang nagtatanong kung ganun pa rin ang kanyang katayuan bilang Santo Papa, at maraming simbahan ngayon sa buong mundo ang tila partido na rin sa pulitika! Huwag na ta-yong lumayo, di ba? Ano kaya ang kanyang katayuan sa mga inilabas na tarpaulin ng ilang simbahan, hinggil sa darating na halalan?
Pero bago tayo, o si Pope Francis mismo, ang sumabak sa mga problema ng simbahan at ng mga mananampalataya, magpasalamat na muna at natupad ang pahayag ng mga kardinal na magkakaroon ng bagong Santo Papa bago mag-semana santa. Pabiro ngang sinabi ni Bergoglio na nagtungo pa ang mga kardinal sa kadulu-duluhan ng mundo para mahanap ang bagong Santo Papa! Ano kaya ang magiging unang mensahe ni Pope Francis sa Pasko ng Pagkabuhay?