Bagong hepe ng BuCor

MAY bagong hepe ang Bureau of Corrections (BuCor), ang ahensiya ng gobyerno na tila hindi nauubusan ng kontrobersiya dahil sa mga kababalaghan na nagaganap sa New Bilibid Prisons. Nakailang palit na ng hepe ang BuCor dahil sa mga kontrobersiya na nauungkat habang sila’y nakaupo sa tungkulin. Hindi talaga pwedeng matanggap ang paliwanag na hindi nila alam ang nagaganap sa NBP dahil sila ang hepe! Kaya mabuti na rin at napalitan sila! Kung hindi nila talaga alam ang nagaganap sa mismong ahensiya na pinamumunuan nila, wala silang karapatang mamuno, di ba?

Si DOJ Sec. Leila de Lima mismo ang nagre­komenda kay Franklin Jesus Bucayu kay President Aquino. Kareretiro lang ni Bucayu mula sa PNP. Dati siyang hepe ng Human Rights Affairs Office ng PNP, na dahilan kung bakit siya pinili ni De Lima. Inaasahan ni De Lima si Bucayu na maaayos ang buong sistema ng NBP, kung saan walang katapusan ang anomalya! Mga bilanggong nakakalabas, mga namumuhay na daig pa ang ibang mayaman na malaya, mga iligal na aktibidad na pinatatakbo sa loob ng bilangguan! Ilan lang iyan sa mga nagaganap sa NBP na hindi raw alam ng mga nakaraang hepe!

Panahon na lang ang hihintayin kung maga­gawa ni Bucayu na ayusin ang NBP. Mga resulta ang magsasalita ng kanyang tagumpay o pagkabigo. Inaasahan nang lahat na matitigil na ang kalokohan sa loob, at tunay na magpatuloy ang parusa, hindi sarap ng buhay, ng mga nasa loob nito. Siguro para talagang bago ang lahat, tanggalin na niya ang lahat ng guwardiya sa NBP at palitan ng mga bago, para wala nang kilalang bilanggo. Siguraduhin na rin na ang mga bilanggo, kahit sa maximum o minimum pa sila, ay hindi namumuhay na parang hari, o tila nakatira sa isang mamahaling hotel!

Pero mas maganda pa rin na ilipat na lang ang NBP sa ibang lugar, malayo sa Metro Manila, tulad ng ilang bilangguan sa ibang bansa. Masyadong malakas ang tukso dahil malapit lamang sa Metro Manila. Kung pwede nga, isang isla katulad ng Alcatraz, para mahirap puntahan, mahirap takasan, at walang magagawang “negosyo”! Panahon na para makamit ng mga biktima ang nararapat na hustisya. Hindi makakamit iyon kung nakakalabas mula sa bilangguan, kung masarap ang buhay sa loob ng bilangguan, at nakapagpapatakbo pa ng “negosyo”!

Show comments