Nangyari na!
NAGKAROON na ng enkuwentro ang mga Malaysian security forces at ang “royal army†ng Sultan ng Sulu, na nasa Lahad Datu, Sabah. Labing-apat umano ang namatay. Labindalawa mula sa grupo ni Agbimuddin Kiram at dalawang pulis ng Malaysia. Hindi pa masabi kung sino ang unang nagpaputok, dahil parehong panig ang nagtuturuan ngayon. Ang malinaw, dumanak na ang dugo dahil sa sitwasyong ito. Ayon sa ibang ulat, naubos na raw ang pasensiya ng punong ministro ng Malaysia hinggil sa sitwasyon. Kaya kung siya ang nag-utos sa kanilang militar na kumilos, hindi na nakapagtataka.
Hindi na mahalagang malaman kung sino ang unang nagpaputok kaya nagsimula ng labanan. Ang mahalaga ay ang pagtigil ng karahasan, at pag-isipan na ang mga hakbang para matapos na ang krisis! Kung ubos na nga ang pasensiya ng punong ministro mismo ng Malaysia, asahan na hindi ito ang huling enkuwentro na magaganap. Kung ipinaglalaban ng Sultan ng Sulu ang kanilang karapatan sa Sabah, ganundin ang Malaysia. Kaya dapat diplomasya na ang umiral, at hindi puwersa!
Tama ang utos ng gobyerno sa hukbong-dagat na pigilin ang anumang puwersa na maaaring manggaling sa Pilipinas patungong Sabah. Hindi na dapat binibigyan ng karagdagang gatong ang apoy. Ang sinasabi ko ay hindi na ito ang panahon para magmatigasan pa. May mga namatay na mula sa magkabilang panig. Mainit na ang sitwasyon. Hindi ba’t mas maganda kung pinag-uusapan nang mahinahon ang problema, kaysa idaan sa barilan?
Sa halip ng naganap na enkuwentro, patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa pamilya Kiram para maiwasan pa ang karagdagang pagdanak ng dugo. Medyo mahirap lang at ang katayuan ng pamilya Kiram ay ipagÂlalaban nila ang Sabah hanggang sa kamatayan! Sana naman baguhin na ng Sultan ang kanyang katayuan, lalo na ‘t nagkaroon na ng karahasan. At hindi rin puwedeng sabihin na hindi kumikilos ang gobyerno para maiwasan ang gulo, at walang pakialam sa isyu ng Sabah. Sa simula pa lang ay pinakiusapan kaagad ang Sultan ng Sulu na pauwiin na ang kanyang mga tauhan, para mapag-usapan na ang isyu. Hindi ito panahon ng sisihan. Panahon ito ng maayos na solusyon.
- Latest