MAY kasabihan na kung gusto mo raw gumawa ng rebeldeng tao, gutumin mo. Wala na raw kasing sinasanto ang tao kapag sumikad na ang kanyang gutom. Lahat daw ay gagawin ng nagugutom para lamang makakain. Marami sa mga nagugutom ang nawawala na sa wisyo kaya wala na silang pakialam kung anuman ang kanilang ginagawa. Mahirap nang pigilin ang mga taong nagugutom.
Sa nangyaring paglusob ng mga nagugutom na biktima ng bagyong “Pablo†sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Davao City noong Martes, nagpapakita lamang ito na dapat magkaroon nang maayos na pamamahagi ng relief goods ang tanggapan ni Sec. Dinky Soliman. Ang marahas na pagwasak sa gate ng DSWD office sa Suazo Street ay nagpapakitang hindi sila nabibigyang pansin o binabalewala sa kanilang pangangailangan. Wala nang takot ang mga lumusob sa tanggapan at nagkanya-kanyang hakot ng bigas, karton ng sardinas at noodles. Yung iba ay inihahagis na palabas ang mga karton ng relief goods at sinasambot naman doon ng mga kasamahan. Maski hinaharang na ng mga pulis ay balewala na sa mga nagugutom na biktima. Mas matindi ang nararamdaman nilang hapdi ng sikmura kaysa hampas ng batuta ng mga pulis.
Noong nakaraang Disyembre marami na ring mga nabiktima ng bagyong “Pablo†sa Compostela Valley ang hinaharang na ang mga truck ng relief goods. Hindi raw nakakarating sa kanila ang tulong kaya hinaharang na nila. Nagugutom na raw sila. Wala raw silang mapagkukunan ng pagkain sapagkat wasak lahat ang kabuhayan.
Sabi naman ng DSWD, ang mga lumusob sa Davao ay hindi mga lehitimong biktima ng “Pabloâ€. Mga binayaran daw ang mga taong ito para manggulo. May nagsulsol daw sa mga ito.
Kung totoo ito, dapat imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang nangyari. Mga pulis ang makapagpapatunay kung mga estranghero ang lumusob. Dapat hinuli ang mga ito noong nagsisimula ang kaguluhan.
Ang pangyayari ay dapat namang maging aral sa DSWD. Magkaroon ng sistema sa distribution ng relief goods. Huwag nang paghintayin ang mga taong nagugutom sapagkat magbubunga lamang ng pagrerebelde.