EDITORYAL - Maghigpit na sa field trip

PANAHON na para maghigpit ang Department of Education (DepEd) sa field trip ng mga estudyante. Hindi na maganda ang sunud-sunod na aksidenteng kinasasangkutan ng bus na sinasakyan ng mga estudyante. Nagiging “field trip” kay Kamatayan ang kinauuwian ng lahat. Masakit para sa mga magulang na iginagapang ang mga anak para makapag-aral pero kakalawitin lamang ng karit sa oras ng field trip.

Kamakailan lamang naganap ang aksidente sa Camp Capinpin, Tanay Rizal kung saan dalawang estudyante ang nasagasaan ng bus na nasira ang handbrake. Namatay ang dalawang estudyante. Umano’y ipinarada ang bus sa palusong na lugar. Kasalanan ng drayber na tila walang alam sa tamang pagparada ng kanyang minamaneho.

Noong Huwebes, isa na namang bus na may mga pasaherong estudyante ang naaksidente sa Baguio City. Pito ang namatay at 32 ang grabeng nasugatan sa mga estudyante. Ang mga estudyante na nag-field trip din sa Baguio ay mula sa Marinduque State Colleges. Umano’y pababa na sa Baguio ang bus nang maaksidente sa isang kurbada. Mabilis umano ang bus at nawalan ng control sa manibela. Bumangga sa kasalubong na truck. Patay ang drayber ng bus at truck.

Pawang bus na inarkila ng school ang may pro-blema. Umano’y walang prankisa ang tourist bus na naaksidente sa Baguio. Bago pa lamang umano itong nag-ooperate sa Quezon. Wala rin umanong kasanayan sa biyaheng Baguio ang drayber ng bus. Ayon sa report, kahit pababa o palusong mahigit 100 kph ang pagpapatakbo. Sinong matinong drayber ang magpapatakbo ng ganito kabilis sa kurbadang daan?

Bakit ang bus na ito ang inarkila ng Marinduque State Colleges? Hindi raw accredited ang bus para sakyan sa field trip. Dapat imbestigahan ng DepEd ang eskuwelahan kung bakit hindi sila sumunod sa regulasyon kaugnay sa pag-arkila ng sasakyan na gagamitin sa field trip. At bakit din naman napakalayo ng Baguio para puntahan ng mga taga-Marinduque?

Maghigpit na ang DepEd ukol sa field trip. Hindi na dapat maulit ang malagim na aksidente. Huwag nang hintayin pang mas marami ang kakalawitin    ni Kamatayan dahil sa maling sistema.

 

Show comments