Editoryal - Tuparin lang ang pangako

MAGKAKAROON lamang ng lubos na kapaya­paan sa Mindanao kung ang lahat ng mga ipinangako nang magkabilang panig ay maisasakatuparan. Kahit pa magkaroon nang maraming pag-uusap kung hindi naman maisasagawa ang mga ipinangakong pagbabago ay balewala rin. Sayang lang ang pag-uusap. Kailangang maipakita sa seryosong paggawa ang lahat at tiyak na makakamtan ang kapayapaan at ang kasunod na ay ang kaunlaran. Kapag tahimik na sa Mindanao, dadagsa na ang mga dayuhan na mag-iinvest at marami na ang magkakaroon ng trabaho. At kapag mayroon nang trabaho ang lahat, wala nang magugutom.

Nang magtungo sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat si President Aquino noong Lunes, sinabi niya sa mga lider at miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na malapit nang magkaroon ng katuparan ang lubusang kapayapaan sa Mindanao. Maari raw na bago siya bumaba sa puwesto ay may maganda nang bunga ang pag-uusap sa kapayapaan. Kung ganap nang tahimik at maunlad ang Mindanao, baka sa Mindanao pa sila mag-honeymoon ng kanyang special someone.

Sa pagtungo niya roon, namahagi siya ng health cards at nagkaloob ng scholarships sa mga anak ng MILF members. Ito ay bahagi ng paglulunsad ng Sajahatra Bangsamoro Program sa Maguindanao. Ayon sa Presidente ang inilunsad na programa ay isang paraan para mapabilis ang peace process.

Pagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa at seryosong pagtupad sa mga pinangako ang susi sa lubos na kapayapaan sa Mindanao. Ito lang ang mga kailangan. Kapag naisagawa ang mga ito, wala nang rebelde at sundalong magbabakbakan. Wala nang buhay na masasayang at wala na ring magkakawatak-watak na pamilya dahil sa walang tigil na labanan. Wala nang bata na iiyak at hindi malaman kung saan susuling sa takot tamaan ng bala.  

Hindi na dugo ang dadaloy sa maraming bahagi ng Mindanao kundi kasaganaan --- ito ay kung matutupad ang mga pinangako ng magkabilang panig.

Show comments