Editoryal - Basura n’yo, linis n’yo!
NGAYONG araw na ito ang simula ng campaign period para sa mga tatakbong senador. Tatagal ng isang buwan ang kampanya. Nakatutok na ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa airtime ng political advertisement sa radyo at television. May limit ang haba ng advertisement ng kandidato. Ang sinumang lalampas sa takdang haba ng advertisement ay mananagot. Hindi raw mangingimi ang Comelec na parusahan ang mga lalabag sa itinatadhana ng Fair Election Act. Kung sa mga nakaraang election daw ay naging maluwag, ngayon ay hindi na.
Kung maghihigpit nga ang Comelec sa air time ng mga kandidato, maaaring piliin ay ang panga-ngampanya sa mga plaza, palengke, barangay court at iba pang mga lugar na maraming tao ang makakadalo o makakapanood. Mas mura ito at makikita pa sila ng personal ng mga tao. Hahakutin nila ang mga tao para manood sa kanilang kampanya.
Ang problema lamang dito at maaaring maging problema nang marami ay ang iiwanang basura ng mga kandidatong nangampanya. Sa dami ng mga taong dadalo o manonood sa town plaza o barangay covered court, tiyak na mamumutiktik sa basura ang lugar. Tiyak na bubunton ang mga plastic cup, plastic na supot ng tubig, ice candy, buko juice, balat ng mais, balat ng kendi, sitsirya at marami pang basura na hindi nabubulok. Kung ang pinagdausan ng kampanya ay malapit sa creek o ilog, tiyak na magiging problema na naman sa darating na tag-ulan. Tiyak na ang mga basura ng kandidato, kung hindi agad makokolekta, ay tiyak na tatangayin sa ilog o creek. Doon hihimpil at aabutan ng tag-ulan at pagbaha. Aapaw ang creek sapagkat maraming nakatambak na basura at pa-wang plastic pa.
Kung ang Comelec ay nakatutok sa airtime ng kandidato, dapat din naman na tutukan nila ang basurang lilikhain ng mga ito sa panahon ng kampanya. Kung mabangis sila ngayon sa mga kandidato na lalampas sa airtime, dapat maba-ngis o mabagsik sila sa mga sisira sa kapaligiran. Ipamukha nila sa mga kandidato na maging responsable ang mga ito sa kanilang lilikhaing basura sa kampanya. Linisin ang basurang hinakot nila.
- Latest