Walang sinanto

NARINIG na naman natin sa kaso ni Carlos “Damaso” Celdran ang “Freedom of Speech” bilang depensa sa pananalita na ayaw man pakinggan ng iba ay pilit pinaririnig. Sa paggarantiya sa ganitong mga karapatan, talagang binibigyang daan maski mga bigkasing kontra sa posisyon ng marami --- lalo na kapag ang pamahalaan ang target. Kailangan magkaroon nang malayang klima para sa pagpahiwatig ng nasasaisip. Tanging sa ganitong paraan masisiguro ang pagyabong ng malusog na palitan ng ideya na kritikal sa matagumpay na demokrasya.

Subalit ang mga kalayaang katulad nitong nakaukit sa Saligang Batas ay mayroon ding mga limitasyon. Sa halos lahat na hurisdiksyon sa mundo, bawal ang mga ekspresyon na obscenity o kalaswaan, ang libelo, ang sedisyon. Sa tatlong limitasyong ito makikita na kahit pa ang mga kalayaang pinuproteksyunan ng Saligang Batas ay hindi maaring gamitin sa pangit o masamang paraan. Kung hindi man sa kapangitan ng salita (kalaswaan o libelo), pipigilan ito sa kapangitang maaring ibunga ng pananalita (sedisyon). Kayat kahit limitasyon man ito sa freedom of expression ay walang kumukuwestyon kapag gawing krimen sa ilalim ng batas.

Mayroon ding pang-apat na sangay ang ganitong mga krimen – ito ang Blasphemy laws. Karaniwang maha-hanap ito sa mga bansa kung saan may state religion — iisa ang pamahalaan at ang simbahan. Maging sa maraming Catholic at Protestant na bansa sa Europa at South America, bawal din ang magsalita ng kabastusan laban sa dinidiyos ng kanilang relihiyon. Dito sa Pilipinas ay walang blasphemy laws. Ang mayroon tayo ay ang Article 133 ng Kodigo Penal na pinagbabawal ang pambabastos sa damdamin ng mga nananampalataya. Ito ang batas na nilabag ni Carlos Celdran sa kanyang pagpapaka-Rizal.

Ang kuwestiyon ngayon ay kung kontra sa garantiyang freedom of expression ang batas na ito. Sa unang basa ay parang hindi dahil kahanay din ng freedom of expression ang freedom of religion at religious worship na nakasaad din sa Saligang Batas. Kung ang mga binitiwang salita ni Carlos Celdran ay ginawa sa labas ng Cathedral, walang makakapagkomento sa legalidad nito. Kaya lang ay ginawa niya sa mismong loob ng simbahan sa gitna mismo ng seremonya ng mga arsobispo – walang sinanto. Saan mang templo gawin ito, kahit din sa loob ng Mosque sa harap ng mga Imam, ay pihadong mayroong mababastos. Gaya ng kalaswaan, libelo at sedisyon, ito’y legal na limitasyon sa freedom of expression.

Show comments