Malas ang PNP

SA loob ng 18 araw na kampanya ng Philippine National Police sa election gun ban, 300 armas na ang nakumpiska sa buong bansa. Patunay lamang na maraming loose firearms ang mga pusakal. Hindi naman kataka-taka dahil noong Enero 22 pinagbabaril ng anim na hinihinalang hired killers si Maconacon, Isabela mayor Erlinda Domingo at drayber na si Bernard Plasos sa parking area ng Park Villa Appartelle, sa Examiner Street cor. Quezon Avenue, Quezon City.

Pumutok ang pangalan ni QCPD director Sr. Supt. Richard Albano nang malambat ang limang suspect sa pagpatay kay Domingo, ngunit hindi kumbinsido ang sambayanan dahil hindi pa natutukoy kung sino ang mastermind.  Sa puntong ito malaki ang haka-haka na marami pang buhay  ng pulitiko ang malalagas bago magtapos ang gun ban sa Hulyo. Walang puknat ang pananalakay ng mga pusakal kahit na maraming tao sa paligid. Indikasyon ito na walang takot ang mga kriminal sa inilatag na seguridad ng Philippine National Police. Bawal kasing magdala ng baril ang mga lihitimong pulis kung hindi mga naka-uniporme. Sa puntong ito sinasamantala ng mga kriminal ang pananalakay sa mga establisimento at inosenteng mamamayan tulad nang pagnanakaw sa jewelry store na nasa SM Megamall sa Mandaluyong City noong Sabado. Hanggang sketches lamang  ng mga suspek ang naipakita ng mga pulis Mandaluyong. Kulang kasi sila ng deployment sa naturang lugar. Nakakahiya sapagkat nakatakas ang mga kawatan.

Hindi pa nalulutas ang nakawan sa SM Megamall, sinubukan muli ang PNP nang barilin ng isang tao ang negosyanteng si Kelvin Tan sa Greenhills, San Juan City. At noong Martes, nilimas ng Waray-Waray Gang ang Western Union Money Transfer branch sa Lopez, Parañaque City. At kahapon ng umaga, sumalakay ang Acytiline Gang sa Valenzuela City.

Mukhang malas ang PNP ngayon dahil sa sunud-sunod ang krimen. Dapat sigurong gawin ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima, round the clock ang paglalagay ng checkpoint para malambat ang mga pusakal. Kung ibabatay lamang niya sa kautusan ng Comelec ang paglalagay ng checkpoint tiyak maraming kriminal ang sasalakay.

Show comments