HINDI dapat balewalain ni Supt. Hansel Marantan ang hamon sa kanya na magpasailalim sa physical examination sa kanyang tinamong sugat dahil nababaon sa kahihiyan ang PNP. Maraming PNP official sa Calabarzon ang sinibak sa puwesto ni DILG sec. Mar Roxas bilang paghuhugas kamay sa shootout kuno na naganap sa Atimonan, Quezon noong Enero 6. Hihintayin pa ba ni Marantan na magkaroon din ng sibakan sa Camp Crame bago siya humarap sa imbestigasyon na iniutos ni President Aquino sa NBI. Halos sumabog naman sa galit ang mga dibdib ng ilang opisyal na nadamay sa sibakan. Sino nga naman ang matutuwa sa ginawa ni Roxas. Katulad na lamang ni Chief Supt. James Melad na sinibak matapos mapatay ng mga pulis si Fernando Morales alias “Pandoy†noong Lunes ng madaling-araw sa San Juan, Batangas. Si Pandoy ay trusted leutenant ni Vic Siman sa jueteng at loteng operation.
Ayon sa impormasyong nakarating sa akin, kabilang si Pandoy sa nakaiktad sa madugong Atimonan shootout. At dahil nga sa pagsibak kay Melad nagkaroon ng domino effect kaya nasibak din sina Supt. Rosauro Acio ng Batangas Provincial Police, Supt. Raul Tacaca head ng Special Weapon and Tactics unit ng Batangas Police Public Safety Company, Supt. Elpidio Ramirez, chief ng San Juan Municipal Police Station at CInsp. Rodolfo Ama ng San Juan Police. Upang mapawi ang kahihiyan at maiwasan ang agam-agam na magkaroon ng whitewash sa imbestigasyon, isusumite ni Roxas ang mga dokumentong hawak sa fact-finding committee sa tanggapan ng NBI. Kahapon sinimulan ng NBI ang pagpapatawag sa mga pulis at sundalo ng Philippine Army-Special Forces na sangkot sa shootout. Habang nagngangawa si Marantan sa kanyang kamang kinararatayan, naghuhumiyaw naman ang mga taga-Camp Crame na lumutang na ito sa NBI at magpa-physical examination nang mawala na ang agam-agam. Ang kanyang pagmamatigas ay lalo lamang nagbabaon sa kanya at sa PNP.
Abangan!