Sana nga mailabas ang katotohanan!
Noong una, nagpahayag ang Palasyo na lehitimong enkuwentro ang naganap sa Atimonan, Quezon. Ngayon, dahil sa unti-unting nagkakaliwanag ang mga kaganapan sa nasabing enkwentro, iba na ang tingin ng marami, pati na si President Aquino. Duda ang Presidente na isang shootout ang naganap. Patuloy ang imbestigasyon ng NBI. Pahayag ni DILG Sec. Roxas na maraming mga pagkukulang o pagkakamali ang isinagawang checkpoint. Una na rito ay hindi naka-uniporme ang karamihan ng mga pulis na sangkot sa enkuwentro. Sa isang lehitimong checkpoint, dapat naka-uniporme ang mga pulis dahil sa ginagampanan nila ay opisyal na trabaho. Wala ring naka-paskel na karatula na opisyal na checkpoint nga ng PNP. At walang sasakyan ng PNP sa kalsada. Dito pa lang, napakarami nang tanong.
At nagtataka na rin ang DILG sa pagkakasangkot ni Supt. Hansel Marantan. Ang tala ng mga namamatay sa enkwentro kung saan nakibahagi si Marantan ay 40 tao! Matapang ba talaga, o may ibang dahilan kung bakit lagi siya nasa gitna ng mga barilan? May mga nagsasabi na may ibang dahilan. May nakausap nga ako na kung ti-tingnan raw ang kalsada kung saan naganap ang barilan, galing sa paliko ang mga sasakyan. Tila nabulaga na lang sa itinayong checkpoint, o tulad ng sinasabi na ng iba, inihandang pananambang!
Sa kabila ng mga imbestigasyon sa grupo ng mga pulis at sundalo na nakibahagi sa barilan, kailangan ding tingnan ang mga nakasakay sa dalawang SUV. Bago sila tawaging mga biktima, tingnan din kung sino sila, at kung bakit sila magkakasama sa oras na iyon. Bakit din sila may mga dalang baril, na ilan lang ang may permit na ilabas sa tahanan? Hindi ibig sabihin na kapag lisensyado ang baril, puwede nang ibiyahe! Sino ang may-ari ng dalawang bagong SUV, na ang isa ay may commemorative plate ng PNPA, at isa ay walang plaka? At pinaka mahalagang tanong, ano ang ginagawa ng isang mataas na ranggong pulis sa grupong iyan, na napakalayo niya sa kanyang takdang lugar?
Ang NBI, sa utos ni Aquino mismo, ang nag-iimbestiga. Pero garantisado na ba na malalaman ng publiko ang totoong naganap, at mga dahilan kung bakit naganap ang barilan sa Quezon? Sana naman, sa ilalim ng administrasyong ito ay mailalabas ang katotohanan. Kaila-ngan malaman kung mapagkakatiwalaan pa ba ang PNP, dahil sa dami na ng mga insidenteng sangkot ang ilan, mataas na ranggo pa nga, sa kriminalidad. At kung talagang pwede pang masugpo ang jueteng. Parang nawawalan na ng pag-asa ang taumbayan, dahil palagi na lang may ala-“Kuratong Baleleng†na kuwento ang PNP.
- Latest