NGAYONG araw ang pinakahihintay na pagdiriwang ng mga Katolikong debotong para sa kapistahang alay sa santo ng Itim na Nazareno.
Sa iba’t ibang panig ng bansa ay kanya-kanya ang pagsalubong ng mga naniniwala at nananampalataya sa umano’y himalang ibinibigay sa kanila ng Itim na Nazareno.
Isa ang simbahan ng Quiapo sa Maynila na taunang pinaghahandaan ang kapistahang ito.
Tuwing pista ng Itim na Nazareno, asahan na ang masikip na daloy ng trapiko dahil sa pagdagsa ng mga deboto sa simbahan at sa mga kalsada.
Dahil sa prusisyon ng santo ng Itim na Nazareno sa mga piling kalye ng Maynila, hindi mahulugang karayom ang mga lansangan sa pag-aasam ng bawat isang mahawakan o mapalapit man lamang sa imahe ng santo.
Sa ganitong panahon din naghihigpit ng seguridad ang mga pulis at kinauukulan para sa kaligtasan ng lahatÂ. Dahil sa dami at siksikan, ito rin ang panahon kung kailan sumasalakay ang mga kawatan upang isagawa ang kanilang masasamang gawain.
Sumbong ni Allan sa BITAG, isa siya sa mga nakaranas ng pananamantala ng mga putok sa buhong magnanakaw sa kapistahan ng Itim na Nazareno noong nakaraang taon. Hindi inakala ni Allan na matapos makapagsimba, daratnan niya ang kanyang nirerenÂtahang apartment na magulo at halatang pinagnakawan.
Mabuti na lamang na nakakandado at mahirap buksan ang pinto ng kuwarto niya kaya’t nakaligtas mula sa pagnanakaw ang mga importante niyang gamit.
Subalit hindi nakaligtas mula sa magnanakaw ang mga gamit ng iba niyang kasamahan na nakatira rin sa apartment na kaniyang tinutuluyan.
Paalala ng BITAG sa lahat na ngayong araw ng kapistahan ng Itim na NaÂzareno, nagkalat ang mga dorobong sasamantalahin ang pagkakataon na abala ang karamihan sa atin.
Dobleng ingat ang aming paalala para sa lahat hindi lamang sa mga deboto kundi maging sa ibang aalis sa kani-kanilang taÂhanan.
Siguraduhing nakaÂkandado nang husto ang inyong mga bahay at hangga’t maaari ay huwag itong iwan lalo na kung walang bantay.
Mas mabuti na ang nakasisiguro kaysa sa magsisisi sa huli.