NAAALALA ninyo nang magpahayag ang isang opis- yal ng PNP na ang naganap na pamamaril sa Amerika kung saan isang armadong lalaki ang namaril ng mga guro at batang mag-aaral sa isang paaralan sa Newtown, Connecticut ay hindi raw mangyayari sa Pilipinas dahil mahigpit naman daw ang pagbigay ng lisensiya sa mga sibilyan, at masayahin naman daw ang Pilipino? Ano kaya ang kanyang pahayag ngayon sa naganap na pamamaril ng isang armadong lalaki sa Kawit, Cavite kung saan siyam ang patay at sampu ang sugatan, karamihan ay mga bata. Ito ang masamang kaganapan sa Kawit noong Biyernes ng umaga nang biglang mamaril si Ronald Bae ng kanyang mga kapitbahay! May hinala na may katulong pa siyang isang lalaki na siyang naglalagay ng mga bala sa magasin ng kanyang baril para tuloy-tuloy ang kanyang pagpatay! Napatay rin si Bae, pero ilang buhay naman ang itinangay niya! Si Bae ay may rekord ng pamamaril na noon, at kilalang drug addict. Paano siya nabigyan ng baril kung mahigpit ang PNP?
Hindi pa tapos ang mainit na balita ng pagkamatay ni Stephanie Nicole Ella dahil sa ligaw na bala, ito naman ang nangyari! Kaya lalong umiinit ang debate hinggil sa pag-aari ng baril, at mga batas na nagpaparusa sa mga umaabuso sa paggamit nito. Sa tingin ko nasa depensa ngayon ang mga Pro-Gun, dahil sa galit at hinagpis ng marami sa mga namamatay na bata ngayon. Parang sa Amerika, ng mga bata na ang biktima, marami na ang nagalit.
Kailangan na talagang pag-aralan ang mga batas na may kaugnayan sa pag-aari ng mga sibilyan ng baril. Kung ilan ang pwedeng ariin, at kung nararapat ba na puwedeng ilabas sa bahay ang mga ito, pati na mga parusa sa mga abusado sa baril. Naiintindihan ko na ang mga kriminal ay hindi susunod sa batas. Pero ganun pa man, ang mga katulad ni Bae ay hindi naman nagsimula ng buhay bilang kriminal.
Ang masama ay may baril siya, at maraming bala. Ito ang dapat pag-aralan dahil alam ko naman na hindi mawawala ang baril sa kultura ng Pilipino. Lalo na kung likas sa sining, pati na sa pang araw-araw na buhay katulad ng mga gun show sa mga mall. Tila pinatatakam nga ang lahat na magkaroon ng baril, kahit gaano ka mura o ka mahal!
May huling tanong ako. Kung sinasabi ng PNP na may higit 500,000 “loose firearms†sa bansa, paano nila alam yung bilang, at bakit hindi nila kumpiskahin ito?