EDITORYAL - Firecracker zones ang nararapat

NOON pa, marami nang nagpapayo sa mga governor, mayor at iba pang local officials na lumikha ng firecracker zones para maiwasan ang mga insidente sa paputok. Kung mayroong isang lugar sa bawat barangay na pagdarausan ng pagpapaputok, mababawasan ang mga injury. Maaaring wala nang mapuputulan ng daliri o kamay at wala na ring mabubulag o masusunog ang mukha o katawan. Kung mayroong ligtas na lugar mababawasan na ang sasaguting gastos ng gobyerno sa mga biktima ng paputok. Taun-taon o tuwing sasapit ang New Year, malaki ang nagagastos ng gobyerno sa mga ginagamot sa ospital. At sa kabila na marami nang naputulan ng daliri at nabulag, marami pa rin ang hindi nagkakaroon ng leksiyon. Wala pa ring kadala-dala. Kung iipunin ang nagastos sa mga na-injured, malaki ito at maari nang ipantulong sa mga nabiktima ng bagyo at iba pang kalamidad.

Pero sa kabila nang paulit-ulit na payo sa local government units (LGUs) at sa wala ring tigil na paalala mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), walang pagkilos ang mga mayor at governor para magtayo ng firecrackers zones. Tila ba wala nang naiisip ang mga LGUs para sa kapakanan o kaligtasan ng mamamayan sakali’t magkaroon ng aberya sa paputok.

Bukod sa pagkakasugat, kabi-kabila rin ang nangyayaring sunog na ang dahilan ay ang mga sinindihang paputok at iba pang may sinding bagay­. Ang ibang walang disiplina sa pagpapa­putok ay hagis na lamang nang hagis ng paputok at ito ang dahilan kaya may sunog. Ang nangyaring sunog sa Quezon City na ikinamatay ng pitong katao noong Pasko ay sinasabing dahil sa sinin­dihang parol at saka pinakawalan sa kalawakan.

Pakinggan sana ng LGUs ang payo ng BFP ukol sa paglikha  ng isang lugar na pagdarausan ng paputok at mga pailaw. Ang firecracker zones ay magiging atraksiyon din sa mga turista at ma­aaring kumita ang bansa sa kanilang pagdagsa. Pag-isipan sana ng mayor at governor  ang payo ng BFP para maraming maisalba sa magiging biktima ng paputok. Firecracker zones ang solusyon at dapat na itong isakatuparan.

Show comments