‘Prutas’

ILANG araw pa lamang ang nakalilipas matapos ang sele­brasyon ng kapaskuhan, abala na naman ang mga kaba­bayan natin sa paghahanda. Sa pagtatapos ng 2012, panibagong simula ang hinihintay ng lahat sa pagdating ng 2013.

Kagaya ng nakaugalian, samu’t saring pagkain ang nakahain sa bawat hapag-kainan ng mga tahanan. Hindi rin nawawala ang paglalagay ng isang dosenang iba’t ibang uri ng mga bilugang prutas na simbolo raw ng pag-imbita ng kasaganahan sa susunod na taon. Kaya naman ang mga tindero at tindera ng mga prutas, abot-tenga ang ngiti sa pakyawang benta sa panahong ito.

Subalit kuwidaw sa inyong mga pupuntahang tindahan ng prutas dahil hindi mo nalalaman na baka ikaw ay naiisahan na. Laganap sa ganitong panahon ang mga mapagsamantalang vendor na imbis na bago at magandang klase, hinahaluan ng bulok na prutas ang inyong binibiling prutas.

Ang estilo ng mga manlolokong tindero at tindera, papipiliin kunyari ang kanilang kustomer ng prutas na titimbangin. Kapag nakapili na, mabilis itong ilalagay sa supot ng tindero o tindera at sa tiyempong hindi nakatingin ang kustomer, kukuha ito ng nakatagong bulok na prutas na ipapalit sa mga bago at magagandang klase ng prutas sa supot ng kustomer.

Ang siste, huli na bago matuklasan ng kustomer ang nangyaring pagsasalisi ng mga bago at bulok na prutas kapag nakauwi na siya sa kanilang bahay. Kaya naman, ang kawawang kustomer, tila nagtapon lang ng pera dahil sa nakuhang bulok na produkto.

Paalala ng BITAG sa lahat na maging mapanuri sa inyong mga bibilhin lalo na pagdating sa pagkain. Bumili lamang sa inyong pinagkakatiwalaang pamilihan o kung may suking tindahan man, kilalanin mabuti ang tindero o tindera nang sa gayon ay maiwasang maging susunod na biktima.

 

Show comments