‘Nakalusot sa kalaboso’

Simulan mong iturok sa buhay mo ang ilegal na droga.. tuluy-tuloy ang  daloy nito para lasunin at durugin ang iyong mga pangarap at pamilya.

Ito ang katotohanang tumimo sa isip ni Roberto “Pipoy” Rosario—26 na taong gulang ng Aglipay St., Madaluyong City pagkatapos ng isang pangyayaring ganap na nagpabago sa kanya.

Nung nakaraan ay inilathala namin ang unang bahagi ng kwento ng pagkakahuli kay Pipoy at sa kapatid na si Euella “Elay” Rosario—28 na taong gulang.

Hunyo 26, 2012 nang sila’y magkasunod na damputin isang alas-4 ng hapon, ng mga DEU o Drug Enforcement Unit ng Mandaluyong City.

Ito’y dahil sa umano’y ilegal niyang pagbibitbit ng “shabu”. Si Elay, ayon sa salaysay ng dalawang ‘arresting officers’ na sina PO2 Glenn Manuel at PO1 Thamhar Saupi ay dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng ‘shabu’ sa ginawa daw nilang ‘buy-bust operation’. Mariin nilang ikinakatwiran na labag sa batas ang ginawang pag-aresto sa kanila.

Deretsong naming tinanong si Pipoy kung siya’y gu­magamit at inamin niya ito. Barkada ang nag-impluwensya sa kanya para subukan ang ‘trip’ na naibibigay ng droga.

“Pag sumipa na, umaangat na yung anit mo..parang unti-unti mong nararamdaman na hindi ka na nakatapak sa semento,” kwento ni Pipoy. Sa oras na mabalik na sa lupa ang wisyo, saka sasampal sa kanya ang perang nauubos dahil sa bisyong ito. Sinusubukan na raw niya talagang tumigil bago pa siya tuluyang malulong.

Hanggang sa siya nga’y nadampot at na-‘detain’ ng apat na buwan sa loob ng Mandaluyong City Jail.

“Sa loob ng kulungan, para ka na ring na-‘rehab’ sa ibang paraan. Doon, makikita mong mas talamak. Ikaw na mismo ang masusuya. Tuloy, maisusumpa mong hindi na gumamit,” sabi ni Pipoy.

Ayon kay Pipoy do’n na siya napa-isip tungkol sa kinabukasan niya.

“Hanggang dito na lang ba ako?,” ito daw ang mga klase ng tanong niya sa sarili kung hindi siya makalaya.

Dun dumapo ang mga panghihinayang sa pagkakataon na pina-aaral pa siya dati ng kanyang tiyahin. Hanggang matigil siya dulot ng mga natutunan niyang  iba’t ibang bisyong nakasagabal sa pag-aaral.

“Kaya po pinagpursigi talaga ng pamilya ko na makalabas na ako. Gusto ko na po magsimula ulit,” kwento ni Pipoy.

Mistulang pinagbuksan naman ng bintana ng pagkakataon itong si Pipoy dahil nung Nobyembre 6, ay natanggap na nila ang  desisyon ukol sa isinampang  “Joint Motion to Quash the Information”,  kaugnay sa mga nakasaad na pangyayari sa pagkakadampot sa kanila ni Elay.

Nakasaad dito na walang nalabag na batas si Pipoy nung araw na siya’y kapkapan, dahil walang pakete ng shabu ang nakita sa kanya.

Ayon pa dito, walang “personal knowledge” sa mga impormasyon sina PO2 Manuel at PO2 Saupi na dapat arestuhin si Pipoy kaya hindi naayon sa batas ang pagkakadampot sa kanya.

Bunga nito, napagdesisyunan ng hukuman na ang nakasampang kaso kay Pipoy ay ma-‘dismiss’.

Hindi naman pinagbigyan ang sa kaso ni Elay.

Nobyembre 7, matapos makalaya, isang maaliwalas na Pipoy ang humarap sa aming tanggapan upang magpasalamat.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasong ito ni Pipoy at Elay.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malalaman sa desisyon ng korte na ilegal ang naging pagdampot kay Pipoy. Sinabi sa salaysay nina PO2 Manuel at PO2 Saupi na naganap ang aresto nung Hunyo 27, 2012 ng hapon, ang kataka-taka, umaga ng petsang iyon ay nasa tanggapan na namin ang pamilya nina Pipoy para magreklamo. Mahirap sabihing ‘typographical error’ lamang ito. Pinayuhan namin silang dumulog sa OIC ng PAO Mandaluyong na si Atty. Rodolfo Alora at natulungan sila nitong makapagsampa ng “Illegal detention” na inindorso sa direktor ng Dept. Of Justice Action Center na si Atty. Perla Duque. Tinitingnan din ng korte ang regularidad ng pagdakip, hindi binigyang pabor ang kay Elay sa paniniwalang nahuli umano siya sa akto (“in flagrante delicto”) na nagbebenta sa ginawang ‘entrapment’ sa kanya, ngunit ihahayag pa ito sa isang mahabang paglilitis para mapatunayan.

Sa nangyari kay Pipoy, hindi pa huli para sa mga taong nais lumaya buhat sa droga. Wala sa dami ng paggamit ang pinag-uusapan, dahil isang beses mo itong tikman ay parang isinuko mo na rin ang sarili sa kasiraan. Tandaan na ang lahat ay nag-uumpisa sa ‘minsan’. Tulad ni Pipoy, nagsimula sa ‘sinubok lang’, hanggang sa humantong siya sa kulungan. Sa edad na 26, marami pang dapat na marating itong si Pipoy at maswerte na siyang nabigyan pa ng pagkakataon. Kung mayroon mang dapat na pinupulbos sa loob ng kulungan ay ang mga ‘pusher’ na pakalat-kalat kung saan-saan.

Kinukundena namin ang paggamit ng droga at ang  mga taong tulak, ngunit ang mga ‘user’ na maituturing na biktima ay dapat mabigyan ng pagkakataong ma-‘rehab’ upang mabuo muli ang pagkatao para sa kapakinabangan sa sarili, pamilya at  lipunan.

(KINALAP NI PAULINE F. VENTURA)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang  landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments