Editoryal - May pag-asa sa kabila ng unos at pagsubok

TATLONG linggo na ang nakalilipas mula nang bayuhin ng bagyong Pablo ang maraming lugar sa Mindanao at Visayas. Pinaka-grabe ang pinsala sa Davao Oriental at Compostela Valley. Halos lahat nang pananim ay natumba. Ang hindi natumba ay nabali. Maraming bahay ang dumapa at nawasak. Ang mga hindi nawasak ay natanggalan ng bubong at dingding. Ang Pablo ang pinaka-ma-tinding bagyo na nanalasa sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 1,067 katao ang namatay at 800 pa ang hinahanap. Ang Pablo ay itinuturing na isa sa pinaka-mapinsalang bagyo na nananalasa sa bansa. Noong nakaraang taon, Dis. 17, 2011, nanalasa ang bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City at Iligan City at 1,268 ang namatay.

Maraming residente ang hanggang ngayon ay nasa evacuation centers at doon ipinagdiwang ang Pasko. Pinagsaluhan nila ang mga pagkaing ipinamudmod ng pamahalaan at nang maraming grupo. Unang pagkakataon na nag-noche buena sila sa evacuation center kasama ang marami pang biktima ng bagyo. Karamihan sa mga nasa evacuation centers ay mga bata.

Sa kabila naman ng hirap na dinaranas ng evacuees, nananatili pa rin sa kanila ang pag-asa na makakabangon sa trahedya. Malaki ang kanilang paniwala na makakaalis sila sa evacuation centers at makapagsisimulang muli. Bubuuin muli nila ang mga bahay na sinira ni Pablo. Itatayo muli ang mga haligi. Lalagyan ng bubong at dingding. Muling magkakaroon ng halakhakan at masayang pagkukuwentuhan sa bahay na iyon. Muling magtatanim. Sisibol ang mga bagong punla at magka-karoon na ng buhay ang kaparangan at kabukiran na sinagasaan ng malupit na bagyo. Magkakaroon muli ng kulay ang kapaligirang winasak ng kalikasan.

Kinabukasan, aanihin na ang bunga ng kanilang itinanim. Lahat ay may galak sa kanilang mga labi. May mga kislap na ng pag-asa sa kanilang mga mata. Hindi na sila kayang patumbahin pa ng mga nagbabanta pang unos at pagsubok. Matibay na sila. Pinatibay nang pananampalataya sa Maykapal.

Maligayang Pasko sa Lahat!

Show comments