Gobyerno bulag o duwag sa panlulupig ng Tsina?
KUNDI man araw-araw, linggu-linggo ay nagkakaroon tayo ng pagkakataon awitin ang Pambansang Awit. Nasa puso ang mga pangako natin: “Sa manlulupid, ‘di ka pasisiil... Aming ligaya na pag may mang-aapi ang mamatay nang dahil sa iyo.’’
Heto’t nilulupig na ng Tsina ang ating Scarborough Shoal, tulad ng pag-okupa nito sa ating Mischief Reef noong 1995. Pero ang gobyerno at ang media natin ay tila tinuturing ito na isang lilipas na pangyayari. Kaya’t lalong lumalakas ang loob ng Tsina sa kanyang pang-aagaw.
Malinaw ang pananakop ng Tsina sa 130 kilometro kuwadradong shoal. Permanente na itong nagtatalaga ng mga barkong pandigma roon. Gan’ung-gan’un nang okupahin ng Tsina ang Mischief Reef magdadalawang dekada na ang nakalipas. Permanente rin itong nagtalaga ng naval ships, kaya’t hindi na mapaalis ng Pilipinas.
Atin ang Scarborough, na 123 kilometro lang mula Zambales. Pahingahan ito ng mga mangingisda sa Luzon, at tinatawag na Baja de Masinloc. Ito ang nakasulat sa kasaysayan ng mga bansang Japan, Britain, America, at iba pa.
Inaangkin ng Tsina ang Scarborough dahil namumutiktik ito sa isda at iba pang yamang dagat. Ang batayan nila ay isang ancient map kuno na ayaw nilang ipakita sa ibang bansa dahil malamang na peke.
Ang shoal ay mababaw na lagoon sa gitna ng dagat na pinalilibutan ng bato’t bahura. Sisitahin sana ng patrolya ng Pilipinas ang dose-dosenang lantsa mula Hainan nu’ng Abril na ilegal na nag-aani ng endangered pawikan, kabibe at co-rals. Pero hinadlangan ito ng tatlo, tapos siyam, at nu’ng huli ay mahigit isang dosenang barko. Hindi na umalis ang mga barkong Tsina. Kinadena pa nila ang pasukan sa lagoon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest