NAPAGKUWENTUHAN namin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang industriya ng business process outsourcing (BPO).
Ayon kay Jinggoy, ang BPO ang “one of the fastest growing and dynamic industries in the world now with an estimated global market worth of almost US$200 billion. BPO has become the Philippines’ largest job provider in the private sector… the Philippines emerged as one of the major players in the BPO industry and this is expected to continue and grow…”
Base sa datos ng Business Processing Association of the Philippines, ang BPO industry sa bansa ay nakapag-empleyo ng humigit-kumulang na 700,000 Pinoys noong 2011 at nag-akyat ng $11 billion revenue.
Sa kabila nito, maraming problema ang mga manggagawa sa BPO industry tulad ng mababang suweldo (P15,000 lang kumpara sa P25,000 sa Singapore); sobra-sobrang oras ng trabaho (umaabot ng 12 diretsong oras na mayroon lang 15-minutong break); mababang night differential pay; sapilitang pagtatrabaho tuwing holiday tulad ng Pasko, Bagong Taon at Mahal na Araw; pagbabawal sa pagsali nila sa labor union; at kakula-ngan ng pasilidad na pang-kalusugan (na dahilan ng mataas na insidente ng pagkakaroon ng pneumonia, UTI, sakit sa puso at baga at iba pang karamdaman ng marami sa kanila).
Binigyang-diin ni Jinggoy na itinatakda ng iba’t ibang batas ng bansa ang maayos na pasuweldo, mga benepisyo at karapatan ng mga empleyado gayundin ang pagtitiyak ng occupational safety at health program sa mga lugar-paggawa.
Malinaw sa mga isyung nabanggit na may mga kompanya sa BPO industry na tahasang lumalabag sa labor laws and regulations.
Kaugnay nito, inihain niya ang Senate Resolution No. 900 na nananawagan ng imbestigasyon sa naturang usapin. Layon ng hakbangin na silipin ng mga kaukulang komite ng Senado ang sitwasyon ng paggawa sa BPO industry, repasuhin ang mga batas na gumagabay dito, at bumuo ng mas epektibong polisiya para sa kapaka-nan ng mga manggagawa.