4 na paraan kontra political dynasties

TATLO ang paraan para durugin ang political dynasties, na takda ng Konstitusyon.

Una, ang pagpasa ng batas na nagbabawal nito. Nakasalang na ang ganyang panukala, akda ni Sen. Miriam Defensor Santiago. Pero ang sakop lang ay mga lokal na halal na posisyon: gobernador, provincial board member, meyor, konsehal, at mga bise. Hindi kasama ang Presidente, Bise, senador at congressman. Ito’y dahil maka-dynasty rin si Santiago. Nu’ng administrasyon ni Arroyo, may anak si Santiago na sectoral at dalawang pinsan na congressmen, habang in-appoint sa executive positions ang kanyang asawa, dalawang kapatid, tatlong pinsan, at tatlong pamangkin. Nakatengga ang panukala.

Ikalawa, kakambal ng una, mandamus para obligahin ng Korte Suprema ang Kongreso na magpasa ng batas. Nagsalang ng mandamus sina dating Bise Presidente Tito Guingona Jr. at Atty. Leonard de Vera. Walang katiyakan kung kailan ito tatalakayin sa Korte. Kaya, bitin din.

Ikatlo, people’s initiative para magpasa ng batas kontra dynasties. Ito ang sinusulong ng Ang Kapatiran Party. Kailangan makuha dito ang lagda ng 3% ng botante sa bawat political district, at 10% ng buong bansa. Tapos, magdadaos ng plebisito kung saan dapat mayorya ng mga botante ay sumangayon. Mahirap, mahaba, magastos na proseso.

Ikaapat, ibasura sa halalang 2013 lahat ng magkakamag-anak. Itakwil ng mga botante ang mag-asawa, mag-ama’t -ina, maglolo’t -apo, magkapatid, magpinsan, magbayaw, maghipag, magbiyenan. Problema, hindi isyu sa marami ang dynasties; mas mahalaga ang kung magkano bibilhin ang boto nila. Magbabago lang sila kung magka-Ampatuan massacre sa pook nila.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments