MPDPC Horse Racing Cup

HINDI lamang mga Pinoy na mahihilig sa karera ng kabayo ang laman ng San Lazaro Leisure Park (SLLP) sa Carmona, Cavite. Dinarayo na rin ito ng mga turista. Buhay na naman ang turismo ng bansa. Super sa ganda at linis ang SLLP kaya maging ang mga dayuhan ay nabibighaning manood ng karera. Over looking ang SLLP kaya malalanghap ang sariwang hangin na nagmumula sa kabundukan, malayo rin ito sa mga kabahayan at factory kaya nakasisigurong malinis na hangin ang malalanghap at walang ingay na makakabasag sa inyong taynga.

Mahigpit ang pamamalakad ni Chairman Castano kaya walang game fixing. Mukhang hindi nagkamali si President Noynoy Aquino sa pagtalaga kay Philracom chairman Angel Castano Jr., upang isulong ang “Tuwid na Daan” program. Nanumbalik na ang sigla ng horse racing sa bansa na malaking ambag sa datung sa kaban ng bayan. Maraming organization na ang natulungan ng Philracom at kabilang dito ang Manila Police District Press Corps (MPDPC) na aking pinamumunuan.

Noong nakaraang Linggo, inilarga ang kauna-unahang MPDPC Horse Racing Cup na inorganisa ng Philracom sa pagtutulungan nina Chairman Castano at  Commissioner Jess Cantos upang makalikom ng pondo.  Ang kikitain sa naturang pakarera ay ilalaan sa second medical mission  na ang mabibiyayaan ay yaong pamilya ng mga pulis sa MPD, apat na barangay sa Ermita, Manila at  scholarship program sa mga anak ng  miyembro ng MPDPC. Sa natu­rang pakarera ay napagwagian ng Ma’am Mika na pag-aari ni Mikey Arroyo sa pulidong pagrerenda ni Jockey Patricio Dilema at matiyagang pagsasanay ni Jess Pabilic. Naging suwabe ang pakarera at talaga namang pukpukan ang laban. Hindi magkaumayaw ang mga namumusta nang papalapit na sa finish line, maging ang mga turista ay napapaangat sa kanilang kinauupuan.

Nang matapos ang pakarera ng MPDPC 1st Cup ang napag-usapan naman namin ni Chairman Castano at Comm. Cantos ay ang blood letting project na gaganapin sa November 29 sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. Ang dugo na malilikom ay ibibigay sa Philippine National Red Cross. Kaya mga suki, inaanyayahan ko kayong suportahan ang “Philippine Horse Racing Thrives Together We Can Save Lives” Blood Letting project nina Chairman Castano at Comm.Cantos. Kitakits tayo sa  SLLP, Carmona, Cavite sa Huwebes, 1:00 to 6:00 p.m.

 

Show comments