Editoryal - Tatlong taon na wala pang hustisya!

KAILAN pa maisisilbi ang hustisya? Ito ang tanong ngayong sumapit na ang ikatlong taon ng Maguindanao massacre. Ilang taon pa ang hihintayin bago makamit ng mga naulila ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay? O hindi na nila makakamtan ang hustisya kahit kailan sapagkat napakabagal umusad ng kaso. O kamamatayan na nila ang paghihintay sa kasong ito? Marami pang tanong ukol sa kahihinatnan nang pinaka-karumal-dumal na krimen sa buong mundo na may kaugnayan sa pulitika.

Habang naghihintay ng hustisya, sakmal din naman­ ng takot ang mga kaanak ng pinatay. Paano’y marami pang akusado ang nakalalaya at anumang sandali ay maaaring mambiktima muli para mata­himik ang mga sumisigaw ng hustisya. Gagawin ng mga nakalalaya pang suspect ang mas marahas na paraan para hindi sila maipasok sa bilangguan. Gagawa sila nang paraan para hindi na makapagsalita pa ang mga testigong magdidiin sa kanila.

Umano’y may mga lalaking umaaligid sa bahay ng mga kaanak ng biktima. Malakas ang kutob ng mga kaanak na maski sila ay balak ding iligpit ng mga kahina-hinalang lalaki para hindi na sila makapag-ingay pa sa kaso.

Maski si Maguindanao governor Toto Mangudadatu na ang asawa at kamag-anak ay kabilang sa mga pinatay, ay nangangamba rin sa kanyang kaligtasan. Siya ang talagang target noong Nob­yembre 23, 2009 para hindi makatakbong governor ng Maguindanao. Sa halip na siya ang mag-file ng candidacy, ang kanyang asawa at maraming supporters, kasama ang may 30 mamamahayag, ang nagtungo sa Sharif Aguak para mag-file ng COC sa Comelec office doon. Anim na sasakyan ang convoy. Pero bago dumating ng Sharif Aguak, hinarang sila ng may 100 armadong lalaki na pinamumunuan umano ni Andal Ampatuan Jr. Ang sumunod ay madugo. Nakakakilabot ang tanawin. Nakabulagta ang mga duguang bangkay. Mayroong inihulog sa malaking hukay. Maski ang mga sasakyan ay inihulog din doon.

Bagama’t nakakulong na ang mga sinasabing “utak” sa massacre, hindi nasisiyahan ang mga kaanak ng biktima. Ibig nilang maging mabilis ang kaso. Uhaw na uhaw na sila sa hustisya.

Hanggang kailan nga ba sila maghihintay ng hustisya?

 

Show comments