Balloguing (6)

MASAMA ang loob ni Pugo, La Union Mayor Noemi Balloguing na humaharap ng kasong accessory to parricide at obstruction of justice dahil sa pagkamatay ng kanyang anak na si Pio alyas Jessie Boy noong Mayo. Kaya nagbabanta si Mayor Balloguing na babalikan niya si Chief Insp. Cesar Paday-os, ang provincial officer ng CIDG dahil napahiya siya at kanyang pamilya sa isinampa nitong kaso. Ayon kay Mayor Balloguing pinapalabas ni Paday-os na mas may karapatan siyang bigyan hustisya ang pagkamatay ni Jessie Boy kaysa sa kanya na ina ng biktima. At ang pinaka pa, nais ni Paday-os ibando na kasabwat si Mayor Balloguing na itago o wasakin ang ebidensiya sa krimen na para bang gusto niyang sabihin na may pagsang-ayon siya sa pagkamatay ni Jessie Boy. Iginiit ni Mayor Balloguing na si Jessie Boy ay galing sa kanyang sinapupunan at inalagaan niya ito mula sa pagkabata hanggang sa ito ay mapatay ni Orly Padillo noong Mayo 15. Kaya sa kanyang tatlong pahinang counter-affidavit, hiniling ni Mayor Balloguing na idismis ng prosecutor’s office ng La Union ang kaso laban sa kanya at ang asawang municipal administrator na si Engr. Orlando Balloguing.

Kung sabagay, nagtataka ang taga-Pugo sa katahimikan ni Mayor Balloguing sa pagkamatay ni Jessie Boy. Kung may alam siya sa kaso, dapat ay isiwalat na niya ito at masaktan ang dapat masaktan. Kalat na ang tsismis sa Pugo kung sino talaga ang pumatay kay Jessie Boy, subalit mukhang si Mayor Balloguing na lang ang hindi nakakaalam. Hindi kaya kinukonsensya na si Mayor Balloguing kung may alam man siya sa pagkamatay ni Jessie Boy? Sabi ng mga nakausap ko sa Pugo, bilang ina, dapat itayo ni Mayor Balloguing ang karapatan ni Jessie Boy at hindi sunud-sunuran lang siya sa imamando sa kanya.

Si Balloguing ay 3rd termer ng mayor ng Pugo. Sa darating na May election, si Orlando naman ang tatakbo. Sinabi naman ni Orlando sa kanyang affidavit na ang kalaban niya sa pulitika ang nag-udyok kay Paday-os para kasuhan silang mag-asawa sa pagkamatay ni Jes­sie Boy. Si Padillo ay ki­nasuhan ng homicide at na­dismis ang kaso dahil sa affidavit of desistance ni Or­lando at asawa ni Jessie Boy na si Meriam.

Napatay si Jessie Boy, isang araw matapos tumestigo sa attempted homicide case na isinampa nito laban sa tatay na si Orlando noong 2001. Kung buhay sana si Jessie Boy, tetestigo pa siya sa kaso noong May 28. Subalit dahil patay na nga si Jessie Boy tiyak madidismis na rin ang kasong isinampa niya laban kay Orlando.

Kung sabagay mahal ni Mayor Balloguing si Jessie Boy dahil siya ang naghikayat kay Orlando at mga alipores nito na dalhin sa ospital ang sugatang anak noong 2001. At hindi dapat sampahan ng accessory to the crime si Mayor Ballo­guing dahil, aniya, wala na­mang ebidensiya na ang asawang si Orlando ang pumatay kay Jessie Boy.

Abangan!

Show comments