ISANG taon na ang nakararaan, maraming residente ng isang barangay sa Palawan ang nagkaroon ng tipus (typhoid fever). Natuklasan na kaya sila nagkaroon ng tipus ay dahil sa maruming tubig na kanilang iniinom. Sa ilog umano kumukuha ng inuming tubig ang mga residente. Ang masama, sa ilog din pala sila dumudumi. Wala palang kubeta ang mga residente roon. Ang bacteria na sa kanilang dumi ang humalo sa tubig na kanilang iniinom. Napigil lamamg ang typhoid outbreak nang rasyunan ng tubig ng mga taga-DOH ang mga residente. Ang hindi na nalaman ay kung tinuruan bang magtayo ng sariling kubeta ang mga residente. Kung patuloy na sa “tabi-tabi” o sa ilog sila dumudumi, baka hindi lamang tipus ang umatake sa kanila kundi diarrhea, cholera, dysentery at parasitic worms.
Sa report ng United Nations Children Emergency Fund (UNICEF), tinatayang 26-milyong Pinoys ang walang kubeta at kung saan-saan na lamang dumudumi --- sa puno ng kahoy, saging, niyog, at kahit nga sa ilog gaya nang ginagawa sa isang barangay sa Palawan. Ayon sa isang opisyal ng UNICEF, nakagugulat ang kanilang natuklasan na marami pang Pinoys ang walang kubeta. Karamihan umano sa mga Pinoy na walang kubeta ay nasa rural areas. Sinabi ni Michael Emerson Gnilo, isang specialist ng UNICEF Water, Sanitation and Hygiene na nag-increased pa ng 12 percent ang mga walang kubeta sa panahon mula 1998 hanggang 2008. Ang mga walang kubeta ay nakatira umano sa mga pinaka-mahihirap na lugar sa bansa. Binanggit ni Gnilo ang mga lugar ng Masbate, Northern Samar at mga probinsiya sa Autunomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Totoo ang report na ito ng UNICEF na marami pang Pinoys ang walang kubeta. Ito ang dahilan kaya maraming sakit ang kumakapit sa mga residente. Ang kakulangan ng kaalaman ukol sa kalinisan ang dahilan kaya maraming walang kubeta. Walang nagpapaalala sa kanila. Kung maipauunawa sa kanila ang kahalagahan ng may kubeta, mababawasan ang mga outbreak ng sakit. Ang Department of Health (DOH) ang nararapat magpursigi sa pamamagitan ng barangay para hikayatin ang mga residente na magtayo ng sariling kubeta. Hindi naman kinakailangang konkreto ang kubeta. Kailangan lang na nasa lugar ang mga dumi at hindi naka-exposed sa mga tao. Turuan ang mga residente na makagawa ng kubeta at nang makaligtas sa pagkakasakit.