Katapusan ng daigdig

NGAYON ang ika-33 linggo sa karaniwang panahon. Itinalaga sa ating pagdiriwang ngayon ang mga babala at paalaala ng Banal sa Kasulatan na darating na ang katapusan ng sansinukob. Titipunin ang mga hinirang ng Diyos mula sa lahat ng dako.

Binanghay ni Hesus ang mga darating na pangyayari: magkakaroon ng kapighatian, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Isang matibay na paalaala sa atin ang katatapos na unos sa New York at New Jersey sa East Coast. Hindi natin akalain na magaganap iyon sa “city that never sleep”. Sa pananalasa ni hurricane “Sandy” ay naging ghost town ang New York.

Ang Anak ng tao ay nasa alapaap, susuguin Niya ang mga anghel sa kalangitan at makikita sa north, east, west at south ang apat na panig ng daigdig upang ipaalala sa atin ang pagtawag ng Panginoon. Walang nakaaalam ng araw o oras sa lahat ng pangyayaring ito kahit ang mga anghel sa langit. Sabi ni Hesus: “Maging ang anak man --- ang Ama lamang ang nakakaalam nang lahat ng pangyayaring darating”.

Maging sa aklat ni Propeta Daniel ay ipinahayag sa atin na magkakaroon nang matinding kahirapan na hindi pa nangyayari kailanman na maging sa ating bansa ay napakaraming bagyo at habagat na hindi natin akalaing magaganap.  Kaya  paala-ala sa atin na “yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning na parang tala sa kalangitan kailanman.”

Ang mga pangaral sa atin ni Hesus ay pawang mga paalaala sa atin na darating na ang takdang panahon: “Tandaan n’yo, magaganap ang mga bagay na ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay sa ngayon.   Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula”. Marami sa atin sa ngayon na abalang-abala sa mga gawaing ikinabubuhay. Napakarami nating plano para sa ating kinabukasan. Naitanong kaya natin sa ating sarili na meron kaya itong kaganapan sa plano ng  Panginoon sa ating buhay? Maganda ang ating mga paghahanda, subalit atin ba itong  naisangguni tuwina sa Panginoon kung ito ba ang plano Niya sa ating buhay?

Daniel 12:1-3; Salmo 15; Hebreo 10:11-14, 8 at Marco 13:24-32

 

Show comments