Mas marami pa rin ang manloloko

NAGSISIMULA na ang mga krimen na likas na nagaganap sa tuwing palapit na ang Pasko. Isa na rito ay ang panloloko ng mga taxi driver sa kanilang mga pasahero, lalo na sa mga turista. Kung may nababalitaan tayong mga tapat na drayber ng taxi na nagbabalik ng mga naiwang gamit sa kanilang sasakyan, sampu siguro ang mga walanghiya na manloloko o kaya’y nagtatangkang lokohin ang kanilang mga pasahero. Hindi na lang nababalitaan ang karamihan.

Katulad na lang ng taxi na nahuli ng mga otoridad dahil sa pagreklamo ng kanyang pasahero. Pagsakay ng pasahero sa taxi, sumakay pa yung “barker” na nagturo sa taxi. Sabay singil ng P1,200 para sa biyahe na wala pa sanang P100! At bakit sumama pa yung “barker” sa taxi? Dito pa lang ay kaduda-duda na ang intensyon ng mga tiwali. Mabuti na lang at nagreklamo ang pasahero na napansin naman ng mga otoridad. Huli ang drayber, nakatakas naman ang kasama.

Kaya babala na rin sa mga sasakay ng taxi. Mas marami pa rin ang manloloko sa mundo, kaya maging maingat. Huwag magpapaloko. Gamitin ang metro. Kung ayaw, bumaba na at humanap ng iba, at kung maaari, isumbong ang taxi sa mga otoridad. Dapat siguro gumawa ng operasyon ang LTO o kung sinomang ahensiya, kung saan magpapanggap na pasahero para mahuli ang mga tiwaling drayber. Kapag nahuli, ikulong!

Nagiging laganap ang mga krimen ngayon. Mabuti sana kung mga ganitong panloloko lang, eh hindi. Maraming marahas at madugong krimen na nababalitaan ngayon. Ewan ko, pero hindi ko alam kung paano mabebenta ang bansa sa mundo, kung ganito naman ang mga nagaganap sa siyudad. Sa airport pa lang, may manlolokong taxi. Sa MRT, may mga nanggagahasa! Pati sa mga mall, may mga kriminal! Marami sa ating kababayan ang uuwi sa Pasko. Sana naman ay hindi maging masama ang kanilang pag-uwi sa Pilipinas. Tumutulong na nga sila sa ekonomiya ng bansa, gaganyanin pa sila. Gaganahan pa ba ang iba na umuwi sa atin?

Show comments