Toothpaste hindi lang pang-ngipin

ALAM nating lahat na ang toothpaste ay panglinis, pampakinang, at pampatibay ng ngipin. Pero marami pang ibang bahagi ng katawan at kagamitan sa bahay ang paggagamitan ng toothpaste, lalo na ang puting ordinaryong klase. Ilan dito, ayon sa isang artikulo sa Internet:

(1) Para sa kagat ng insekto, hapdi at paltos -- nagtu­tubig o makati na iritasyon sa balat. Pahiran lang daw agad ng toothpaste para mawala ang kati at pamamaga, at matuyo ang sugat para humilom agad. Mainam kung gamitin sa magdamag.

(2) Panandaliang pampalamig sa maliit na paso sa balat.

(3) Pampatuyo ng whitehead at pampahinog ng tigyawat.

(4) Panglinis, pampakinang at pampatibay ng kuko.

(5) Pareho ang water-soluble polymers ng gel toothpaste at hair gel, kaya maari ipamalit ang una sa huli.

(6) Pang-alis ng antot ng isda, bawang, sibuyas, atbp. sa kamay.

(7) Pantanggal ng mantsa sa damit, kurtina, o carpet. Kusutin ng toothpaste hanggang mabura ang mantsa, tapos labahan o iskobahin ang tela.

(8) Panglinis ng sapatos at pangtago ng munting gasgas.

(9) Pambura ng crayola sa pinturadong dingding. Kaskasin ng tela.

(10) Pampakintab ng alahas na silver. I-brush, iwanan magdamag, tapos hugasan ng tubig.

(11) Pampatsa ng maliliit ng gasgas sa mga DVD at CD.

(12) Pampakinang ng mga tipa ng piano, laban sa langis ng kamay.

(13) Pang-deodorize sa bote ng gatas at tsupon ng baby.

(14) Pantanggal ng tutong ng sunog sa plantsa.

(15) Pantanggal ng fog sa swimming at snorkeling goggles.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments