Apat na taon pa!

ILANG oras matapos ang botohan sa US, alam na kung sino ang nanalong presidente. Si Barack Obama pa rin ang pinili ng mga Amerikano na mamuno sa kanilang bansa. Kasaysayan na naman ang nakamit ni Obama. Siya ang pangalawang Democratic president na nabigyan ng pangalawang termino mula noong World War 2.

Sinubaybayan ko ang eleksyon sa TV. Malaki ang US kaya naunang nagsara ang mga botohan sa silangang bahagi. Unti-unting pumapasok ang mga resulta at kapag nagiging malinaw na may mananalo na, kahit hindi pa tapos ang bilangan, sinasabi na kung kanino napunta ang state. Sa US, medyo kumplikado ang sistema kung paano manalo ang presidente. Sabihin na lang natin na bawat state ay may halagang boto. Halimbawa, ang New York at Florida ay may tig-29 na boto; California, 55; Texas, 38, at Washington, 12. Lahat ng state ay may halagang boto, may malaki, may maliit. Para manalo, ang kailangan ng isang kandidato ay 270 boto. Kaya mahalaga ang manalo sa mga state na may malalaking halagang boto, ika nga. Dito nagpupukpukan ang mga kandidato tuwing kampanya, dahil mahalaga na makuha nila ang electoral votes ng state.

Noong una ay lamang si Mitt Romney, ang kandidato ng Republican Party. Pula ang kulay ng kanilang partido, kaya namumula ang mapa ng US. Pero nang pumapasok na ang mga resulta ng mga state na maliliit, unti-unting nagkakaasul ang kulay ng mapa, ang kulay ng Democrats. Hanggang sa pumasok na ang resulta ng mga malala-king state katulad ng California, Ohio, Nevada at Florida. Nanalo na si Obama.

Nainggit ako sa kanilang maayos na election. Walang naulat na insidente ng pag-agaw ng mga balota at da-yaan sa bilangan. Ang narinig ko lang na reklamo ay may natagalang bumoto dahil sa dami ng mga bumoto. Kung maririnig lang nila ang ating reklamo sa tuwing may election! Mismong si Comelec chairman Sixto Brillantes ang nagsabi na dapat may matutunan ang mga lokal na pulitiko sa mga pulitiko sa US. Hindi tayo ganun ka suwerte, Chairman! Malayo pa tayo sa ganyang kaayos na election, dahil na rin sa uri ng pulitika natin – pera at baril. Kung hindi makukuha sa pera, idadaan sa baril. Maaari nating gawing maganda ang sistema ng election sa pamamagitan ng modernong kagamitan. Pero kung ganun pa rin ang uri at ugali ng mga pulitiko, lalo na yung mga pamilyang ayaw bumitiw sa kapangyarihan na pati mga apo nila ay patatakbuhin, malayo pa tayo sa ibang bansa katulad ng US!

Manood na lang tayo.

 

Show comments