MALAYO pa ang eleksiyon pero nagkalat na naman sa mga lansangan ang mga naglalakihang mukha at pa-ngalan ng mga pulitikong kakandidato.
Mga pulitikong binansagang “epal” o “epalogs” na pilit nagpapapansin sa publiko sa kanilang mga proyektong ginagawa para sa bayan.
Ang masama, karamihan sa mga pulitikong ito, pilit inaangkin sa pamamagitan ng pagkabit ng kani-kanilang pangalan at mukha ang mga proyektong gobyerno naman ang nagpondo mula rin mismo sa bulsa ng taumbayan.
Kung minsan, halos lahat ng okasyong dumaraan, walang palya ang mga ‘‘epalogs’’ na bumati at magsabit ng makukulay nilang posters at tarpaulin sa iba’t ibang bahagi ng kanilang sinasakupang lugar.
Kaya naman bago pa dumating ang Undas, nag-anunsiyo na ang ilang local na pamahalaan at Simbahang Katoliko sa pagbabawal ng pagpapakabit ng mga posters at tarpaulin sa mga sementeryo.
Subalit nang mag-ikot-ikot ang BITAG sa mga sementeryo sa Maynila at kalapit na probinsiya, nagkalat pa rin sa kung saan-saan ang mga epalogs.
Isa ang sementeryo ng Bgy. Citrus sa San Jose Del Monte, Bulacan sa nasilip ng BITAG na puno ng mga pulitikong pumapapel sa mga tao.
Sa bungad pa lamang ng sementeryo, nakabalandra na ang mga malalaking tarpaulin na may mukha at nagsusumigaw na pangalan ng mga pulitiko sa lugar na iyon.
Pagpasok sa loob ng sementeryo, sasalubong na agad ang mga naka-uniporme pang tauhan ng mga pu- litiko para mag-alok ng kung anu-anong libreng produkto at serbisyo. Tubig, pagkain, check-up, pagpapa-check ng blood pressure at maging pagpapamasahe ay ginagawang pang-akit sa publiko.
Aakalain mong may nangangampanya nang kandidato dahil sa dami ng taong pumipila at nag-uusyoso.
Payo ni Comelec Chairman Sixto Brillantes sa mga Pilipino na huwag iboto sa susunod na halalan ang mga ‘‘epalogs’’ na pulitiko lalo na noong nakaraang Undas.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.