^

PSN Opinyon

‘Ginawang sawsawan na mukha’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Matrimonya ng kasal ang kwerdas na nagpupugong sa dalawang taong pinagbuklod ng pag-ibig.. ngunit maari bang ang  panali sa braso ng lalaki ay umigkas papalayo at bumalik na lang kung kelan niya gustuhin?

Sa ngayon, ganito ang sitwasyon na nakikita ni Marife “Peng” Alfaro sa kanyang asawang si Jeffrey Alfaro.

Sa pitong taon nilang pagsasama bilang mag-‘boyfriend’, ‘di niya lubos maisip na maghuhunos sa ibang anyo ang  ‘mabait na Jeff’ na nakilala niya noon.

Nagsimula sa pagiging ‘textmates’, kaya’t nagkaigihan ang dalawa hanggang sagutin ni Peng si Jeff noong 2003.

Setyembre 2010 nang mabuntis si Peng kaya’t nung Disyembre 8, nagdesisyon silang magpakasal.

Hunyo 4, 2011 nang manganak siya at dito na rin niya napagpasyahang magpalipat sa ‘branch’ ng kanilang kumpanya sa Tuguegarao para mas matutukan ang pag-aalaga sa bata. Naiwan naman sa Maynila si Jeff .

Abril 2012 nang umuwi ng Tuguegarao si Jeff, naisipan ni Peng na hiramin ang cellphone nito para tingnan ang mga laman ng ‘inbox’.

“Bantayan mo sarili mo, nandyan si Peng.. baka kung ano gawin ‘nyo!,” ito umano ang  nabasa ni Peng na ikinataas ng kilay niya, mula kay Stephanie ‘Panie’—20 taong gulang, ang  pamang­kin ng madrasta ni Jeff na kasama niyang nakatira sa bahay sa Maynila.

 “Bakit ganito magtext si Panie?,” kompronta ni Peng kay Jeff.

“Isip bata lang yan alam mo naman..wala lang yan,”sagot ni Jeff.

Pinalipas ito ni Peng ngunit iba ang gustong gumalaw na suspetsa sa kanyang imahinasyon..bagay na gusto niyang bakbakin sa kanyang isip. Ito ang nagkarga kay Peng para bumalik sa Maynila.

Mayo 2012 sinorpresa ni Peng si Jeff sa opisina. Iba ang pintig ng puso niya habang naglalakad papunta doon.

“Mamaya ka na magtext nandyan na siya, I love you..,” sabay bulsa ng cellphone na parang nakatunog na bubuwit.

‘Di namalayan ni Jeff na narinig ito ni Peng. Sa puntong ito, nagtuwid na ng isang mahabang linya ang kanyang mga agam-agam. Ibinalita ni Peng na maghanap ng malilipatang apartment dahil magbabalik-trabaho  na siya sa Maynila.

Mismong sa bibig ni Jeff  lumabas ang  mga salitang ito, “Palayain mo na ako Peng, hindi na kita mahal.”

Halos mabilaukan si Peng sa pangungusap na ito ni Jeff.

“Parang hindi si Jeff yung nagsalita, parang ibang tao na hindi ko kakilala,” pagsasalarawan ni Peng.

Mula sa puntong ito, mistulang simula na itulak si Peng sa bangin ng masamang panaginip.

Araw-araw, madaling araw na umuuwi si Jeff nang lasing at galing sa bilyaran, bigla siyang itataboy umano sa higaan dahil nandidiri daw ito sa kanya. Mapapatulala na lamang si Peng habang nanunuot ang samu’t saring mga katanungan. Dama ni Peng na sinasadya ni Jeff ang mga ito para siya na mismo ang  umayaw at humiwalay.

Habang natutulog isang gabi, nagising na lamang sa hapdi sa balat si Peng. “Ganyan ang gusto mo di’ba? Yung sindakin kita!?,” sabi umano  ni Jeff habang tinutuluan siya ng sukang may sili sa kanyang mukha.

Hindi lang umano ito ang  pinakamasaklap niyang naranasan, minsang harap-harapan umanong katawagan ni Jeff si Phanie sa cellphone nung nasa bilyaran ito. “Sino kausap m? Yung pokpok na kabit mo?,”angil ni Peng.

Tumayo si Jeff at binasag umano ang  nadampot na bote ng beer at itinutok sa kanyang mukha.

“P%@$^&ina mo! Ano ba talgang gusto mo!?,” sigaw ni Jeff.

Hinablot umano ang  kanyang buhok sabay inihiga siya sa mesa ng bilyaran at iniuntog siya dito, na siyang kinagulantang ng lahat ng naroon.

“Kaysa inuubos mo sa kabit mo yung pera mo, bigyan mo ng pambili ng gatas yung anak mo!,” sabi ni Peng.

“Wala na akong pakialam! Bahala ka! Kaya niyo naman yung bata wala na kayong mapapla sakin! Magkanya-kanya na tayo!,” nanggagalaiting sabi umano ni Jeff sa asawa.

Pagkaraan ng pangyayaring ito, hindi na nagdalawang isip pa si Peng na idulog ang  kanyang dinanas na pananakit sa asawa. Hiling niyang makakuha ng regular na sustento para sa anak at panagutin si Jeff sa ginawa umanong pambubugbog sa kanya.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasong ito ni Peng.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung mapatunayang totoo ang sinalaysay na pagmamaltrato ni Jeff kay Peng, maari siyang kasuhan ng ‘Physical Injuries in relation to RA 9262 o ang Violence Against Women and their Children.

Kay Jeff, wala sa misis mo ang susi para buksan ang selda ng matrimonya ng kasal para hilingin mong palayain ka.

Nung una bang nagpalitan kayo ng pangako sa dambana, selda na ang tingin mo sa kasal?

 Hindi dahil nalingat lang ang asawa mo para magbuhos ng panahon sa pag-aalaga ng anak niyo sa probinsya ay magbubuhay binata ka na. Ang  anak ay magkatuwang na responsibilidad ng parehong magulang.

Ano yun, paggising mo biglang ayaw mo nang maging ama ng anak mo at kahit gatas hindi ka makapagbigay? Ikaw yata ang dapat liguan ng isang dram na sukang Paombong na may sili para gisawan sa kahibangan.

Bilang tulong, tinawagan namin si Jeff upang kunin ang kanyang panig. Inamin niyang nagawa niya ang pananakit kay Peng.

Inanyayahan namin siyang pumunta sa aming tanggapan upang makipagharap kay Peng tungkol sa suporta sa kanilang anak ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagpapakita.

 Pinayuhan naman namin si Peng na magsampa ng paglabag sa RA 9262  para sa lahat ng pang-aabuso, pisikal at emosyonal, laban sa asawa at  “Petition for Support” para sa isang taong gulang na anak nila ni Jeff. (KINALAP NI PAULINE GRACE F. VENTURA)

 Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang  landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

 

vuukle comment

JEFF

LSQUO

MAYNILA

PARA

PENG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with