UNDAS na muli, at kitang-kita na naman ang pagiging commercialized ng isang tradisyon. Kung ano ang hinantungan ng Pasko, Mahal na Araw, Valentine’s Day at iba pang mga tradisyon, ganun na rin ang Undas. Naglabasan na naman ang mga kalansay mula sa mga tokador, nag-angatan na naman ang mga kabaong, nabuhay na muli ang mga bangkay na inaagnas na! Mga bahay ay mistulang mga haunted house muli, mga hardin ay naging sementeryo. At pati mga aso’t pusa ay nagiging mga halimaw na rin! Asong-paniki, pusang-bampira, at mga amo na nakakatakot sa umpisa pa lang kahit wala pang mga suot na costume!
Hindi ko naman pinipintasan ang mga ginagawang iyan sa panahon ng Undas. Kasama lang talaga sa marketing ng isang mall, isang tindahan, isang negosyo, isang lugar. At masaya naman ang mga bata dahil sa mga magagarang trick-or-treat na nagaganap sa mga mamahaling subdivision katulad ng Ayala Alabang o ng Corinthian Gardens. Maraming bata ang dumadalo sa mga lugar na iyan dahil sa magagandang mga costume at masasarap na pamigay! Napakasarap talaga maging bata, kahit sa panahon pa ng mga patay! Yun nga lang, may masasabi na naman ang simbahang Katolika ukol sa mga halimaw-halimaw na iyan.
Pero yun nga, huwag nating kalimutan ang tunay na dahilan ng Undas. Ang paggunita at pag-alaala sa ating mga yumao nang mga mahal sa buhay. Bigyan sila ng panahon at dalawin sa kanilang mga huling hantungan, bilang pagbigay pugay na rin para sa kanilang mga nagawa para sa atin, para sa kanilang pagkabahagi sa ating buhay. Ano ba naman yung dalawin sila, kahit hindi sa mga araw mismo ng Undas para hindi na makipagsapalaran sa dami ng tao. Ang mahalaga ay hindi sila nakakalimutan. Para sa pamilya namin na yumao na ang parehong magulang, mahalaga ang Undas. Pagkakataon na rin naming magsama-samang magkakapamilya, kuwentuhan, kainan, masaya pa nga! At doon namin ginagawa sa lugar kung saan nagpapahinga na sila. Sa totoo lang, excited ako sa tuwing Undas, dahil makikita ko na naman ang aking mga kapatid, pamangkin, at iba pang kamag-anak. Iyan ang isang tradisyon na hindi ko pakakawalan. Kahit paligiran pa ako ng mga aswang at maligno, patay o buhay!