Pang-alis ng stress: Ilang simpleng payo
“GAANO kabigat itong baso ng tubig?” tanong ng stress expert sa mga pasyente. Mula 8-12 ounces ang hula nila. Pero anang eksperto, hindi mahalaga ang eksaktong bigat, kundi ang tagal ng pagbubuhat. Balewala kung isang minuto lang bitbit ang baso. Pero kung isang oras na, tiyak mangangalay ang kamay. At kung buong araw, kailangan tumawag na ng ambulansiya. Ganyan din daw ang stress o tensiyon. Kapag matagal nang bitbit ang mga agam-agam, pahirap nang pahirap ang buhay — hanggang sa puntong hindi na kakayanin.
Kaya tulad ng hawak na baso ng tubig, dapat ilapag maya’t maya ang stress para makapag-pahinga. Huwag bitbitin ang problema hanggang sa magdamag. Magpahinga, mag-relax, maglibang, saka balikan kinabukasan — at gapiin — ang suliranin. Ilang paraan:
(1) Tanggapin ang katotohanang may mga araw na ikaw ang kalapati at may mga araw na ikaw ang istatwa! (2) Laging magsalita nang malumanay at malambing, para kung sakaling kailangan mo itong bawiin. (3) Parati magbasa ng anumang ikamumukha mong mabuti kapag kinamatayan mo. (4) Mag-ingat sa pagmamaneho; hindi lang kotse ang nire-recall ng Lumikha. (5) Kung magpautang ng P1,000 at hindi mo na makita muli ang tao, isipin na pinakinabangan niya ‘yon.
(6) Maaring ang katangi-tanging silbi mo sa buhay ay maging babala sa iba. (7) Huwag bumili ng kotse na hindi mo kayang itulak. (8) Walang pakialam ang mga tao kung hindi ka mahusay magsayaw; basta’t tumindig at sumayaw. (9) Kapag sobra ang suwerte mo—may mali! (10) Mas maraming birthday, siyempre mas mahaba ang buhay. (11) May mga pagkakamaling sobrang nakakatawa kaya nakakahinayang na hindi maulit. (Isinalin mula sa kumakalat sa Internet)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest