Abangan ang unang sanib-puwersa ng BITAG at PDEA-MMRO
SA kauna-unahang pagkakataon ay nagsanib puwersa ang grupo ng Metro Manila Regional Office (MMRO) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at BITAG sa isang drug raid operation na isinagawa kahapon.
Disyembre 2010 nang umpisang manmanan ng BITAG ang dalawang kuta ng ipinagbabawal na droga sa Bgy. 152, Bagong Barrio, Caloocan City.
At kahapon ng tanghali, matagumpay ang drug raid operation ng PDEA-MMRO at BITAG sa bisa ng search warrant na inilabas ng Caloocan Regional Trial Court.
Ilang hakbang lamang ang layo ng nasabing mga kuta sa barangay hall ng nasabing lugar subalit hirap ang mga taga-barangay na tukuyin kung sino ang nasa likod ng iligal na aktibidades.
Makailang beses na nai-surveillance ng BITAG ang nasabing mga target at lahat nagpositibo. Sa unang bahay, ang pinanggagalingan o source ng mga iligal na droga.
Sa mga naidokumentong surveillance video, dito nagrerepake ng mga drogang ibinebenta sa lugar.
Dokumentado ang mga timbangan at plastic na ginagamit sa pagrerepake ng shabu. Ang bahay na ito, pagmamay-ari ng suspek na nakilalang si Anthony at Egay.
Ang ikalawang bahay, nagsilbing drug den, pot area o lugar na gamitan ng mga parokyano at kostumer nila Anthony at Egay. Pagmamay-ari naman ito ng suspek na si Mac.
Sinasabing alam ng mga residente sa lugar ang mga personalidad ng bentahan, gamitan at pagpapakalat ng mga iligal na droga subalit walang naglalakas-loob na magsalita sa otoridad upang tukuyin ang mga taong ito.
Kaya naman pinag-aralang maigi ng BITAG at MMRO-PDEA kung paano mahuhulog sa patibong ang mga nabanggit na personalidad sa likod ng iligal na droga.
Takbuhan, habulan ang mga naging eksena. Nagtangkang manlaban ng mga target na suspek wag lamang makaakyat sa bahay ang mga ahente ng PDEA-MMRO.
Naaktuhan pa ang isa na kasalukuyang humihithit ng shabu. Habang binabakuran na ito ng mga ahente at BITAG, nakasubo pa ang tooter sa bibig nito at sinubukang itapon ang mga drogang ebidensiya sa krimeng ito.
Abangan ang buong eksena sa storyang ito ngayong Sabado ng gabi sa BITAG.
- Latest