MANILA, Philippines — Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) laban sa paggamit ng mga backdoor paglabas ng bansa matapos mapauwi ang 11 Pilipino mula sa Kota Kinabalu, Malaysia noong Hunyo 16.
Dumating ang mga repatriate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Philippines AirAsia. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na anim sa kanila ang umalis ng Pilipinas sa pamamagitan ng “backdoor” o ilegal na ruta upang makapagtrabaho sa Malaysia nang hindi dumaraan sa tamang proseso ng pag-alis.
Ayon sa BI, nagtrabaho ang mga repatriate sa konstraksyon, mekanikal, at maritime sector, habang isang babae ang nagtrabaho bilang entertainer. Karamihan sa kanila ay nagsabing hindi sila nabayaran ng kanilang mga employer.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ipinakikita ng insidente ang panganib ng pag-alis ng bansa sa pamamagitan ng mga ilegal na ruta.