Manibela, ikinasa panibagong 3-day transport strike
Sa Abril 21-23
MANILA, Philippines — Simula na ngayong araw ang 3-day nationwide transport strike ng grupong Manibela bunsod ng mataas pa ring presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Manibela Pres. Mar Valbuena, tatagal ang transport strike hanggang sa Huwebes, Abril 23. Aniya, hindi pa rin sapat ang ibinaba ng presyo ng petrolyo.
Isinasapinal pa naman aniya ng kanilang mga lider ang mga aksiyon na gagawin sa unang araw ng tigil-pasada.
“Sasalubungin sana namin ‘yung pagbaba ng presyo ng petrolyo kasi ‘di talaga sapat ‘yun eh sa kwentado namin nasa 70 plus na lang dinidikta nung nasa world market pero yung sinasabi naming rollback bayad na narin to dun sa naunang linggo, naunang buwan na tumaas ang presyo ng petrolyo,” paliwanag ni Valbuena.
Idinaing din ng grupo ang pang-araw-araw na hamong kinakaharap ng mga tsuper ng mga pampasaherong jeepney, dahil sa mataas pa ring presyo ng mga pangunahing bilihin, gaya ng pagkain.
Matatandaang una nang nagdaos ng nationwide transport strike ang Manibela, na nilahukan ng iba pang transport groups at transport workers, noong Abril 15 hanggang 17, na tinugon naman ng libreng sakay ng pamahalaan.
- Latest




















