Mayor Vico ‘di nag-endorso ng investment o platform

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Pasig City Government ang nagkalat na videos sa social media na nag-eendorso si Mayor Vico Sotto ng investment.
Nilinaw ito ng lokal na pamahalaan nitong Biyernes kasabay ng paglilinaw na hindi kailanman gagawin ng alkalde ang mag-endorso bagkus ay isang modus umano ang mga video gamit ang boses at imahe na ginamitan ng Artificial Intelligence (AI).
“Hindi kailanman mag-eendorso nang anumang investment o platform si Mayor Vico (Mayor Vico Sotto,” paalala nito.
Babala rin ito sa publiko na maging mapagmatyag lalo na sa paglaganap ng AI-generated fake videos at maging ang deep fake video sa online.
Nakarating kay Sotto ang nakakabahalang deep fake videos matapos siyang mag-post ng messages na sinundan ng impormasyon mula sa netizens.
“Kawawa ang mga biktima!!! Nagkalat ang ganitong uri ng fake/AI-generated videos. Minsan mukha nang totoo. Yung audio, tunog totoo na rin,” ani Sotto.
Nagbabala si Sotto na matindi ang paglaganap ng online financial crime kumpara sa iligal na droga sa buong mundo.
“Kaya please, mag-iingat po tayo. May investment scam. Uso pa rin ang love scam. May iba naman na hindi scam per se, pero panloloko/illegal pa rin kagaya ng AI video bilang promo ng gambling website,” ani pa ni Sotto.
Pinayuhan niya ang publiko na maging mapagbantay sa mga tulad na scams dahil magagamit ito sa pagbi-video call ng scammer gamit ang boses at mukha ng kakilala.
- Latest


















