DA pinalawak P20 rice program sa KADIWA centers
MANILA, Philippines — Pinalawak ng Departmen of Agriculture (DA) ang P20-per-kilo rice program sa mas maraming KADIWA ng Pangulo centers nitong Huwebes, bilang katuparan sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang pagkain sa mas maraming bilang ng mga Pilipino.
Matapos ilunsad ang subsidized rice program sa 12 KADIWA centers noong Martes, 20 dagdag na centers ang binuksan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Mindoro at Rizal at nagsimulang magbenta ng P20 per kilo ng bigas nitong Huwebes.
“Determinado ang Marcos administration na palawakin ang P20 rice program sa buong bansa, at sisiguruhing ang pinakamahinang sektor - senior citizens, solo parents, mga may kapansanan at miyembro ng 4Ps - ay magkaroon ng access sa abot-kaya at de- kalidad na bigas na kanilang maaasahan,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa kasalukuyan, ang mga benepisiyaryo ng P20 rice program ay pinapayagang makabili ng hanggang 30 kilo ng bigas kada buwan.
Ang bigas na ibinebenta sa KADIWA centers ay mula sa National Food Authority (NFA), na bumibili ng palay sa mga lokal na magsasaka sa presyong mas mataas kaysa sa mga pribadong trader, at tinitiyak ang mas magandang kita para sa mga magsasaka.
Ang subsidized rice program na nagsimula bilang pilot test sa Visayas noong Mayo 1 ay inaasahang magbibigay ng mura at de-kalidad na bigas sa 2 milyong pamilya - o katumbas ng tinatayang 10 milyon na mga Pilipino hanggang Disyembre.
- Latest