MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng kanyang priority program, tiniyak ni Pasig mayoralty aspirant Sarah Discaya na mabibigyan ng pantay pantay na oportunidad ang mga kabataang Pasigueno na nais na makapag-aral para sa katuparan ng kanilang pangarap.
Ayon kay Discaya, bahagi ito ng vision ng Team Sarah na ‘smart city’ para sa Lungsod Pasig na may mga smart hospitals, smart schools, at smart facilities.
Kabilang na rin dito ang pagpapatayo ng Pasig University na may 11 palapag upang mapagsilbihan ang mga mag-aaral ng lungsod Pasig. Mahalaga sa pag-aaral ng mga kabataan ang pagkakaroon ng mga modernong pasilidad at dekalidad na edukasyon.
Bukod dito, sinabi ni Discaya na kilala sa tawag na Ate Sara na hindi lamang para sa mga kabataang “academic achievers” ang pagkakaroon ng scholarship sa kolehiyo.
Maaaring bigyan ng scholarship ang mga kabataan na hindi abot ang grado sa kasalukuyang ‘standards’ ng scholarship application na pinaiiral ng lungsod.
Nais umano niyang pababain ang grade requirement ng college scholarship sa 75% para kahit pasang-awa ay makakapagpatuloy pa rin ng pag-aaral ang mga estudyante.
“Pababain sana ito upang lahat ng estudyante ay makapag-aral sa kolehiyo at magkaroon ng equal opportunity. Hindi kailangang maging hadlang ang grado upang matupad ang kanilang mga pangarap.” ani Discaya.