MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-National Capital Region ang nasa P34 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nasa kustodiya naman nang PDEA ang mga ‘tulak’ na sina alyas Al, 39; alyas Sammy, 22; alyas Amy, 19 pawang mga Blk 3, Lot 38, Abel St., Kingstown 2, Caloocan City at alyas Ferds, 18, ng Divisoria, Zamboanga City.
Batay sa report ni PDEA Regional Director NCR Emerson Rosales, nakipagtransaksiyon ang poseur buyer sa mga suspek ng 5 kilos ng shabu sa mga suspek sa Blk 3 Lot 38 Kingstown 2 ng nabanggit na lungsod.
Bandang alas-10:50 ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation kung saan nakuha ang limang yellow-gold foil packs na may label na “GUANYINWANG” na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ang P34,000,000.00. Nakuha rin sa mga suspek ang isang sasakyan, cellular phones, buy-bust money, at mga identification cards.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Art. II ng RA 9165 ang apat na suspek.