Vic Sotto isinampa 19 counts cyberlibel vs Darryl Yap

Pinanumpaan ng actor-tv host na si Vic Sotto ang isinampa niyang 19 bilang ng kasong cyberlibel laban sa film director na si Darryl Yap sa Muntinlupa Prosecutor’s Office, kahapon.

Trailer sa socmed pinatanggal ng korte

MANILA, Philippines — Pormal nang nagsampa ng 19 counts ng cyberlibel sa Muntinlupa Prosecutor’s Office ang Eat Bulaga host at comedian na si Vic Sotto laban kay Darryl Yap na director ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Pa­loma” kung saan nabanggit sa teaser ng pelikula ang pangalan ng una.

Kasama ang kanyang misis na si Pauleen Luna-Sotto at legal counsel na si Atty. Enrique Dela Cruz, unang naghain ng Writ of Habeas Data si Sotto sa Muntinlupa Regional Trial Court kasunod ang paghahain ng reklamong 19 counts ng cyberlibel sa piskalya bunsod ng 19 na post ni Yap ng mapanirang pahayag laban sa kanya.

Nilinaw din ni Atty. Dela Cruz na si Yap lamang ang sinampahan ng criminal case at hiwalay naman ang kanilang isasampang kaso laban sa mga nag-share ng post ni Yap.

“Marami pong nagtatanong kung anong reaction ko noong lumabas itong issue. Ako’y nanahimik. Wala naman akong sinasagot…. Ito na po yun. Ito na po yung reaction ko. Sabi ko nga eh, ito’y walang personalan ito. I just trust in the justice system. Ako’y laban sa mga iresponsableng tao lalo na pagdating sa social media,” ani Sotto.

Iginiit ng aktor na walang consent o kumonsulta sa kanya tungkol sa nasabing pelikula at si Pauleen lamang ang nakapagsabi sa kaniya.

Hindi naman nakikita ni Sotto na politically motivated ang isyu, bagama’t re-electionist ang kanyang anak na si Pasig City Mayor Vico Sotto.

Samantala, inutos na rin ng Muntinlupa RTC ang pagtatanggal ng trailer ng nasabing pelikula sa social media kaugnay sa inihaing Writ of Habeas Data ni Vic Sotto.

Tiniyak naman ni Sotto na hindi naman kasali sa kakasuhan ang mga artistang gumanap sa nasabing pelikula dahil ayon sa aktor ay bahagi lamang ng trabaho iyon.

Inaasahang ngayong taon ang pag-release ng nasabing pelikula na naglalarawan ng buhay ng namayapang si Pa­loma, na sumikat noong dekada 80.

Show comments